IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na kailangang patunayan muna ng pamahalaan na mapagkakatiwalaan ito sa pangungutang at paggastos ng pondo upang mahikayat ang mga Pilipino na boluntaryong tumulong sa pagbabayad ng lumolobong utang ng bansa.
Ito ang binigyang-diin ni Cayetano sa kanyang Facebook livestream nitong Martes, Nobyembre 24, kung saan inamin niyang malaking hamon ang kawalan ng tiwala ng publiko sa pamahalaan.
“We have a crisis of trust. No one trusts the government and government officials,” ani Cayetano.
Ipinaliwanag niya ang panukalang una niyang inilahad sa plenary deliberations ng Senado sa 2027 national budget na magtatag ng mekanismo para sa mga Pilipinong nais magbigay ng boluntaryong kontribusyon sa pagbabayad ng pambansang utang.
Nilinaw ni Cayetano na hindi layunin ng panukala na dagdagan ang pasanin ng ordinaryong mamamayan o ipasa sa kanila ang responsibilidad ng pamahalaan. Sa halip, nais niyang magkaroon ng pagkakataong makatulong ang mga Pilipinong may kakayahan at kusang-loob na mag-ambag, partikular ang mayayaman.
Aniya, wala pang ganitong mekanismo dahil sa kawalan ng tiwala ng publiko sa paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Ayon sa Bureau of the Treasury (BTr), umabot na sa P19.66 trilyon ang kabuuang utang ng bansa noong Setyembre, na katumbas ng mahigit P170,000 na bahagi ng bawat Pilipino.
Binigyang-diin ni Cayetano na kailangang samahan ang anumang boluntaryong kontribusyon ng maayos na paggasta ng pamahalaan at responsableng pangungutang.
“The proposal to allow ourselves to pay part of our loan or get other people, one, is purely voluntary. Two, dapat gastusin nang tama ng gobyerno ang pera na nakokolekta. Three, i-monitor nang husto yung loans,” aniya.
Nilinaw din ng senador na hindi masama ang pangungutang kung mas malaki ang pakinabang nito sa bansa kaysa sa halagang kailangang bayaran.
“We need to borrow less and borrow efficiently,” ani Cayetano, sabay puna na may mga pagkakataong nangutang ang pamahalaan para sa mga proyektong hindi naman dapat pondohan sa pamamagitan nito.
Ikinabahala rin niya na may mga pangungutang na hindi na dumadaan sa masusing pagsusuri ng Kongreso hanggang sa huli na ang lahat.
Sa pagtatapos ng kanyang livestream, nanawagan si Cayetano ng pagtutulungan at pagmamalasakit sa isa’t isa upang matugunan ang mga suliranin ng bansa.
Binigyang-diin niyang isa lamang sa mga posibleng solusyon sa lumolobong utang ang boluntaryong kontribusyon, kaya hinikayat niya ang mga opisyal ng pamahalaan at mamamayan na magmungkahi ng iba pang paraan at makibahagi sa paghahanap ng solusyon sa mga hamon sa ekonomiya.
“I’m not willing to do nothing,” ani Cayetano, at idinagdag na mahalagang magkaroon ng maraming ideya at magtulungan ang mga Pilipino sa pagharap sa mga problema ng bansa.
20 