GOBYERNO PINAKIKILOS SA PAGLUTAS SA UTANG NG BANSA

NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na magsagawa ng malawakang pag-uusap hinggil sa kalagayang pinansyal ng bansa, partikular sa paglutas sa lumolobong utang ng Pilipinas na mahigit P19 trilyon.

Ayon kay Cayetano, kung hahatiin sa bawat Pilipino ang kabuuang utang ng bansa, katumbas ito ng P170,598 na obligasyon ng bawat mamamayan.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2027 national budget, iginiit ni Cayetano na kailangang masusing suriin kung saan napupunta ang pondo ng pamahalaan at tiyaking nakabatay ang paggasta sa aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.

Hinimok din niya ang pamahalaan na pag-isipang mabuti ang pangungutang at paggamit ng pondo, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa laki ng utang ng bansa at epekto nito sa pananalapi ng pamahalaan.

Iminungkahi rin ni Cayetano ang mas malawak na pakikilahok ng pribadong sektor at publiko upang mapalakas ang ekonomiya at makatulong sa pagtugon sa mga obligasyong pinansyal ng bansa.

Gayunman, binigyang-diin niyang dapat itong samahan ng responsableng pangungutang at paggasta ng pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

14

Related posts

Leave a Comment