MALACAÑANG, HINAMON SI CAYETANO NA MANGUNA SA PAGDO-DONATE NG P170,598 PARA SA UTANG NG BANSA

HINAMON ng Malacañang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na siya mismo ang manguna sa pagbibigay ng P170,598 na boluntaryong kontribusyon bilang bahagi ng kanyang panukalang pagtulong sa pagbabayad ng mahigit P19 trilyong utang ng bansa.

Ang nasabing halaga ay batay sa kuwenta ni Cayetano na kung paghahatian ng bawat Pilipino ang kabuuang utang ng pamahalaan, aabot sa P170,598 ang katumbas na bahagi ng bawat mamamayan.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na dapat magsilbing halimbawa si Cayetano sa kanyang panukala sa pamamagitan ng personal na pag-aambag.

Iminungkahi rin ni Castro na sa halip na hilingin sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Finance (DOF) na gumawa ng mekanismo para sa boluntaryong kontribusyon, mas mainam kung si Cayetano mismo ang magsusulong ng kaukulang batas.

“Mas maganda po siguro kung siya mismo ang gagawa ng batas at may mga generous hearts na kanyang sinasabi. At katulad ng sinabi natin, maaaring magsimula mismo ito kay Senator Alan Cayetano. At na-compute niya naman po yata, 170,000 per Filipino,” ani Castro.

“Voluntary, sabi niya. So mahirap gumawa naman ng batas kung ima-mandatory mo ito. Pero kung may mga mababait na puso at siya naman ang nagpasimula nito, mas maganda siguro makita mismo natin, mismo kay Senator Alan Cayetano, pasimulan na po niya,” dagdag ng opisyal.

Nauna nang iminungkahi ni Cayetano sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang 2027 national budget ang pagtatatag ng mekanismo para sa mga Pilipinong nais kusang tumulong sa pagbabayad ng pambansang utang.

Binigyang-diin niya na kailangang masusing suriin kung saan napupunta ang pondo ng pamahalaan at tiyaking nakabatay ang paggasta sa aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.
“If we really want an efficient budget, we have to see the reality on the ground,” ani Cayetano.

Hinimok din niya ang pamahalaan na maging responsable sa pangungutang at paggamit ng pondo, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa laki ng utang ng bansa at epekto nito sa pananalapi ng pamahalaan.

Iminungkahi rin niya ang mas malawak na pakikilahok ng pribadong sektor at publiko upang mapalakas ang ekonomiya at makatulong sa pagtugon sa mga obligasyong pinansyal ng bansa.
“Our economy is not going that fast but pataas nang pataas [ang] debt payment natin,” pahayag ng senador.

(CHRISTIAN DALE)

24

Related posts

Leave a Comment