BINAWIAN ng buhay ang isang call center agent makaraang salpukin ng rumaragasang sasakyan sa may Quirino Hiway sa Novaliches, Quezon City nitong madaling araw ng Martes (Marso 25, 2025).
Nakilala ang biktima na si Den Adrian John Viaje, 29 anyos, may-asawa at residente ng No. B-1 L-5, GoodWill Townhomes I, Barangay Bagbag, Novaliches.
Nabatid na si Viaje ay nasawi habang ginagamot sa Quezon City General Hospital makaraang isugod sa naturang ospital.
Sinabi sa investigation report ni PSMS Romeo Manzon Jr., imbestigador ng Quezon City Police District Traffic Sector 2, naganap ang aksidente sa panulukan ng Quirino Hiway at Pagkabuhay Road dakong ala-1:50 ng madaling araw ng Martes.
Ayon sa ulat ni Manzon, tumatawid ang biktima sa pedestrian lane sa naturang lugar nang biglang salpukin ng humaharurot na kotse na isang Sedan na kulay puti na hindi naplakahan.
Sinabi sa ulat na dahil sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ng ilang kilometro ang biktima na malubhang ikinasugat nito.
Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang nakasagasa at iniwan ang biktima sa naturang lugar.
Ayon pa sa mga ulat, ang biktima ay anak ng dating mediaman na si Reden Viaje ng pahayagang Manila Bulletin .
Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang nagmamay-ari ng kotse na Sedan na nakasagasa sa biktima.
(PAOLO SANTOS)
