KUNG NAGISING KA, BAKA IYON ANG PUNTO

 GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

ALAS-DOS ng madaling araw. Mahimbing ang tulog mo. Walang istorbo, hanggang sa biglang umingay ang cellphone mo na parang may kailangang ipaalam na hindi pwedeng hintayin ang umaga.

Emergency alert.

Natural lang na magulat. Baka mapamura ka pa. Baka ang una mong isipin ay: “Ano ba naman ‘to, natutulog ang tao.”

At iyon nga ang naging usapan online nitong kasagsagan ng malakas na ulan. May mga nagreklamo sa Threads tungkol sa lakas ng tunog ng NDRRMC emergency alerts. May nagbiro, may natawa, at may nagtanong kung kailangan ba talagang ganoon kalakas ang notification.

Gets ko naman.

Nakaiinis talagang magising sa kalagitnaan ng gabi dahil sa isang tunog na hindi mo naman inaasahan. Pero habang binabasa ko ang mga reaksyon, may isang tanong akong hindi mawala sa isip ko:

Hindi ba talaga dapat malakas ang emergency alert?

Hindi ito ordinaryong notification na puwedeng balewalain hanggang paggising. Kapag may emergency, ang problema ay hindi kung gaano kasarap ang tulog natin. Ang problema ay kung may sapat bang oras ang mga taong nasa peligro para makapaghanda.

Nagdala ng matinding ulan ang pinalakas na Habagat, na nagdulot ng pagbaha sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga kalapit na lugar. Naglabas ang PAGASA ng red rainfall warning sa ilang lugar dahil sa inaasahang matinding pag-ulan at pagbaha.

Kaya kapag tumunog ang emergency alert at nagising ka, hindi ibig sabihin na mali ang sistema.

Baka ibig sabihin, gumana ito.

May dahilan kung bakit hindi parang ordinaryong text message ang tunog ng mga alertong ito. Ang emergency alert system ay ginawa para makuha agad ang atensyon ng mga tao. Sa ilalim ng batas tungkol sa mobile disaster alerts, kailangang maipadala ang mga babala tungkol sa mga paparating na panganib sa mga apektadong lugar.

Madaling sabihin na istorbo ang alert kapag ang nawala sa iyo ay ilang minuto ng tulog.

Pero iba-iba ang sitwasyon ng mga taong nakatatanggap nito.

Habang ikaw ay napabangon dahil sa ingay ng cellphone, may ibang taong maaaring gising na dahil hindi sila mapakali sa taas ng tubig sa labas ng bahay. May naglilipat ng mga gamit. May tumitingin kung ligtas pa bang lumabas. May nag-aalala kung kailangan na bang gisingin ang buong pamilya.

Para sa ilang tao, istorbo ang alert.

Para sa iba, maaaring iyon ang senyales na kailangan na nilang kumilos.

Hindi ko naman sinasabing bawal mainis. Hindi rin naman kailangang maging seryoso sa lahat ng oras. Kung natakot ka sa tunog, puwede mong ikuwento. Kung nagulat ka, puwede kang tumawa pagkatapos. Ganoon naman talaga tayo kapag may nakatatakot o nakai-stress na nangyayari. Minsan, biro ang unang reaksyon natin.

Pero sana, huwag nating makalimutan kung bakit tayo ginising.

May mga taong hindi kayang balewalain ang ulan dahil hindi naman sila ligtas na nakahiga sa kama. May mga pamilyang kailangang maghanda bago pa tuluyang tumaas ang tubig. May mga taong nangangailangan ng babala habang may oras pa silang gumawa ng paraan.

At dito ko nakikita kung bakit mahalaga ang emergency alerts kahit nakagugulat ang tunog nito.

Hindi pare-pareho ang peligro na kinahaharap natin.

Kaya sa susunod na magising ako dahil sa isang malakas na emergency alert, malamang maiinis din ako. Baka mapatingin din ako sa oras at isipin kung bakit kailangan akong gisingin nang ganitong madaling-araw.

Pero babasahin ko muna kung ano ang babala.

Dahil habang ang reklamo ko ay tungkol sa nawalang tulog, maaaring may ibang taong ang iniisip ay kung gaano pa kataas ang aabutin ng baha.

66

Related posts

Leave a Comment