PATULOY ang isinasagawang rescue operation ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRMMO) at City DRRMO ng City of San Jose Del Monte sa limang kabataang pinaniniwalaang nalunod at hindi pa rin makita matapos maligo sa Marilao River sakop ng Barangay Gaya Gaya, CSJDM, Bulacan noong hapon ng Agosto 10 sa kasagsagan ng pagbuhos ng malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Base sa paunang report, nasa 10 kabataan ang naligo sa nasabing ilog kung saan pinigilan at pinagbawalan ng barangay officials dahil delikado ang sitwasyon.
Nabatid na bago maganap ang insidente ay papalakas na ang agos ng tubig kaya delikado na sa mga bata ang maligo.
Pansamantalang tumigil ang mga kabataan subalit muling bumalik ang mga ito at pilit na tinawid ang ilog.
Dito na isa-isang tinangay ng rumaragasang kulay putik na tubig ang mga biktima hanggang sa hindi na nakaahon at nawala na ang mga ito.
Ayon kay PDRRMO head Manuel Lukban, patuloy ang kanilang search and rescue operation mula pa noong Lunes ngunit hanggang nitong Miyerkoles ay hindi pa natatagpuan ang mga biktima.
Ayon kay Lukban, wala pang kumpirmasyon na ang mga biktima ay tuluyan nang nalunod at nasawi sa mga oras na ito.
Ang mga biktima ay mula sa mga Barangay ng Sto. Cristo at Gaya Gaya.
(ELOISA SILVERIO)
68 