2 PATAY, 1 SUGATAN SA PAMAMARIL NG PULIS

PATAY ang isang pulis at isang sibilyan habang ginagamot naman ang isa pang pulis matapos silang pagbabarilin ng kanilang kabaro kasunod ng mainitang pagtatalo sa parking area ng isang resort sa Maragondon, Cavite, Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ang mga nasawi na sina PMSg Junmark Sisante, miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Magallanes Municipal Police Station at residente ng Magallanes, Cavite, at Arjay Mojica, residente rin ng Magallanes na umano’y bodyguard ng isang mayor.

Inoobserbahan naman sa ospital si PCpl Louie Vidon Climacosa, nakatalaga sa Ternate Municipal Police Station at residente ng Magallanes.

Kinilala ang suspek na si PCpl Rolando Periodico Jr., 35, nakatalaga sa Trece Martires City Police Station at residente rin ng Magallanes, Cavite.

Sa ulat, dakong alas-1:30 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa parking area ng Marie’s Resort sa Barangay San Miguel A, Maragondon.

Ayon sa saksi, pawang nakainom ang mga sangkot at pauwi na sana nang magkaroon ng mainitang pagtatalo na nauwi sa pamamaril.

Isinugod sa ospital ang mga biktima, ngunit idineklarang dead on arrival sina Sisante at Mojica.

Samantala, isinailalim sa medical treatment si Climacosa.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang Glock 17 .9mm pistol na may magazine, habang isang Pietro Beretta .9mm service firearm naman ang narekober mula sa biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang buong detalye at motibo sa insidente.

(SIGFRED ADSUARA)

95

Related posts

Leave a Comment