P8.375M HALAGA NG KETAMINE NA ITINAGO SA RABBIT FIGURINE, NASABAT NG BOC AT PDEA

NASABAT ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Clark Inter-Agency Task Force Against Illegal Drugs (CRK-IATFAID), ang kargamentong naglalaman ng tinatayang 1,675 gramo ng hinihinalang ketamine na nagkakahalaga ng P8.375 milyon.

Itinago ang hinihinalang ilegal na droga sa loob ng isang resin figurine ng kuneho na ipinadala mula France at idineklarang “Indoor Decorative Molded Polyresin Ornament.”

Ayon sa BOC, natukoy ang kargamento matapos makatanggap ng derogatory information mula sa PDEA hinggil sa paparating na parsela.

Isinailalim ang kargamento sa standard inspection procedure, kabilang ang K-9 sniff test na nagbigay ng positibong indikasyon sa presensya ng ilegal na droga.

Dahil dito, isinagawa ang 100-percent physical examination kung saan natuklasan ang puting crystalline substance sa loob ng resin rabbit figurine.

Nagpositibo sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer ang naturang substance bilang ketamine.

Ayon sa mga awtoridad, ang ketamine ay isang controlled substance na may legal na gamit medikal ngunit maaaring ituring na dangerous drug sa ilalim ng batas ng Pilipinas kapag ilegal na tinaglay, inangkat o ipinamahagi.

Naglabas ang BOC ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa kargamento dahil sa paglabag sa Sections 1113(l)(3), (4) at (5) ng Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), kaugnay ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Binigyang-diin ni District Collector Jairus S. Reyes ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagpigil sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

“Kasama ang ating partner law enforcement agencies, iisa ang ating layunin—mapigilan ang pagpasok ng illegal na droga at maprotektahan ang ating mga komunidad,” ani Reyes.

Samantala, sinabi ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na patuloy na palalakasin ng Kawanihan ang pagbabantay sa mga paliparan at iba pang ports of entry.

“We will strengthen our enforcement and make sure our Customs frontliners are equipped to detect and stop illegal drugs and other contraband,” pahayag ni Nepomuceno.

Ayon sa BOC, ipinapakita ng pagkakasabat sa kargamento ang patuloy na pagiging alerto ng Port of Clark laban sa drug smuggling at ang kahalagahan ng mahigpit na koordinasyon ng mga law enforcement agency sa pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.

(JESSE RUIZ)

83

Related posts

Leave a Comment