TAMBULI ni JESSE RUIZ
HINDI pa rin napapawi ang usok ng multimillion kitaan sa Aduana, mga kabayan. Kunti na lang maaari na itong sumiklab na parang isang napakalaking apoy. Paano kasi may bagong bulong-bulungan matapos na pumutok ang inisyal na ulat sa atin. Nakarating na raw sa Palasyo ang kabalbalan nitong si “Direk CN” at Agent “Dobol P”. At dahil dito, moto proprio ay maaari na rin imbestigahan ito ng Office of the Ombudsman.
Ang sumbong ay nag-ugat sa alegasyon at pagkakasangkot umano ng dalawang taong ito sa “extortion” para mailabas ang huling ilegal na shipment ng mga sigarilyo at vapes. Naharang kamakailan ang nasabing mga sigarilyo sa Bulacan, samantala ang vapes ay sa Port of Manila. Hindi lang pala P10 milyon ang halaga ng perang hininging padulas bagkus ay P25 milyon daw para sa mga sigarilyo lamang.
“Yung sa yosi pala ang binigay ay P25 milyon. Isang bag na naglalaman ng P15 milyon tapos may isa pang P10 milyon, sa isang malaking paper bag nung inabot,” lahad nito.
“May mga litrato pala na nakuha,” dagdag pa ng nagbulong sa Tambuli.
Habang tumatagal tila nabubuo na natin ang mga pangyayari sa likod ng nahuling mga sigarilyo. Siguro dapat imbestigahan ito ni “Kume Nepo” para patunayan sa madlang pipol na seryoso siya sa paglilinis ng kanyang bakuran partikular sa napaulat na alegasyon laban kay “Direk CN” at Agent “Dobol P.”
Dalawang bagay lang naman ‘yan. ‘Di ba ‘pag ganyang galawan, mga kabayan, maaaring binabalewala o nagkikibit-balikat lamang ang pamunuan dahil may nalalaman siya? Huwag naman sana.
87 