UMINIT ang palitan ng salita sa pagitan ng depensa at prosecution sa ika-15 araw ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte matapos manawagan ng respeto si defense counsel Atty. Kristine Ferrer dahil sa mga side comment ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan.
Naghain ng manifestation si Ferrer hinggil sa mga komento ni Kapunan habang isinasagawa ang cross-examination kay Commission on Audit (COA) State Auditor Xylene Del Campo.
Ayon kay Ferrer, hindi angkop sa loob ng courtroom ang mga pahayag ni Kapunan gaya ng “I was about to spank her” at “I was about to lecture her.”
“Igalang naman ho natin ‘yung kapwa natin na lawyer. ‘Yung mga gano’n, Your Honor, wala ho ‘yung lugar dito sa courtroom because we are all lawyers here. We are all professionals,” giit ni Ferrer kay Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.
Pinaalalahanan naman ni Escudero ang magkabilang panig na huwag hayaang magdulot ng tensyon ang tinatawag na “generational divide” at igalang ang lahat ng abogado anoman ang haba ng kanilang karanasan.
Ipinaalala rin ng presiding officer na binawi na ni Kapunan ang kanyang mga naging pahayag.
Kinumpirma naman ito ni Kapunan at pabirong sinabing siya ay “magpapakabait.”
Sa isang ambush interview, nilinaw ni Kapunan na figurative lamang ang kanyang mga naging komento, bagama’t inamin niyang bahagya siyang nainis sa paraan ng pagtatanong at asal ni Ferrer.
Nang tanungin kung ano ang pinakanakairita sa kanya sa cross-examination strategy ng depensa—demeanor, argumento o pamamaraan—mabilis na sumagot si Kapunan: “All of them.”
Inamin ni Kapunan na ang kanyang pagiging impatient ay maaaring dala ng kanyang edad at 48 taong karanasan sa pag-aabogasya.
Pinuna rin niya ang pagbanggit ng depensa sa mga batas at probisyon mula sa Tax Code at mga usapin hinggil sa mga resibo na aniya’y walang direktang kaugnayan sa kaso.
Binigyang-diin ni Kapunan na ginagawa ng prosecution ang lahat upang mapabilis at mapasimple ang proseso upang hindi masayang ang oras ng Senado.
Nang tanungin kung itinuturing niyang delaying tactic ang ginagawa ng depensa, sinabi ni Kapunan na ipinauubaya na niya ito sa diskarte ng kabilang panig.
Tungkol naman sa cross-examination strategy ni Ferrer, sinabi ni Kapunan:
“Alam mo lahat ng mga anak ko lalaki. Sanay na ako sa mga disrespectful. Kaya lang, yung mga anak ko ay pinalaki ko to be respectful. Sana siya rin.”
(TINA MENDOZA)
59 