SUSURIIN ng Commission on Elections (Comelec) ang maaaring magastos sa kampanya ng mga kandidato sa 2025 midterm polls sa social media, pahayag ng chairperson ng komisyon noong Huwebes.
Binanggit ni Chairperson George Erwin Garcia, ang Republic Act 9006 o ang Fair Election Act, para sa regulasyon kung saan hindi puwedeng talakayin ang artificial intelligence (AI) at deepfakes nang hindi tatalakayin ang isyu ng social media.
“Radyo, dyaryo, TV, nare-regulate ng Comelec…pero ang medyo hindi na-define nang maayos at maliwanag ay ang issue ng social media,” sabi ni Garcia sa forum hinggil sa papel ng AI sa Mayo 2025 elections.
Nauna nang nanawagan ang Comelec para sa paggawa ng mga batas na nagpapahintulot sa kanila na i-regulate ang mga post sa social media ng mga kandidato para maiwasan ang pagkalat ng disinformation at pagbabawal ng AI at deepfakes sa campaign materials para sa 2025 midterm polls.
Sa kasalukuyan, walang mga batas na nagbabawal sa paggamit ng deepfakes. Ngunit isang House Bill ang inihain noong nakaraang taon na naglalayong magpataw ng mas mabigat na parusa para sa paggamit ng deepfakes na teknolohiya sa paggawa ng mga krimen, na may parusang isang antas na mas mataas kaysa mga itinakda sa Revised Penal Code o mga kaukulang batas. (JOCELYN DOMENDEN)
