BABAENG NAGBENTA NG BABY SA FB ARESTADO

BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang isang babae na nagtangkang magbenta ng 6-day old baby sa pamamagitan ng Facebook, ayon sa Department of Justice (DOJ).

Sa isinagawang entrapment operation, hindi nagawang makatakbo pa ang babae na inaresto ng NBI nitong Martes, Hulyo 23.

Nauna rito, isang impormasyon ang natanggap ng Human Trafficking Division ng NBI tungkol sa babae mula sa Cyber-TIP Monitoring Center na nagsasaad na dawit umano siya sa bentahan ng sanggol sa Facebook.

Nagsagawa ang NBI division ng open-source intelligence gathering at verification sa hinihinalang illegal activities.

Isang NBI undercover agent ang nagkunwaring buyer, nakipag-ugnayan ito sa suspek na nagpakilalang midwife at nag-alok ibenta ang anim na araw na sanggol.

Nagkaayos ang ahente at ang babae na magkita sa Muntinlupa para sa transaksyon.

Sa itinakdang tagpuan, nagpakilala ang babae at iniharap ang sanggol kapalit ng halagang P25,000.

Nang kumpirmahin ang kanyang intensyon na ibenta ang bagong panganak na sanggol, sumenyas ang ahente ng NBI na arestuhin ang suspek. Nailigtas ang sanggol at inilagay sa kustodiya ng DSWD. (JULIET PACOT)

169

Related posts

Leave a Comment