CAYETANO: KONKRETONG SOLUSYON SA PROBLEMA NG BANSA, HINDI PURO DEBATE

HINIMOK ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang mga lider ng bansa na tiyaking nagbubunga ng konkretong solusyon ang bawat debate sa halip na mauwi lamang sa palitan ng mga argumento at batikos.

Sa kanyang Facebook livestream nitong Sabado, Nobyembre 14, iginiit ni Cayetano na hindi sapat na magkasundo ang mga opisyal sa pagtukoy sa mga problema ng bansa, gaya ng mataas na presyo ng kuryente, pamasahe, inflation, kawalan ng trabaho at kakulangan sa serbisyong pangkalusugan.

“‘Pag nag-usap tayo, agree tayo sa problema – ang mahal ng kuryente, pamasahe, inflation pataas, walang trabaho dito, mga may sakit,” ani Cayetano.

“Yes, we know the problems. But can we articulate a consensus sa solutions? … Hindi lang tinira kung saan masama (dishonesty, corruption), pero anong ipapalit natin,” dagdag niya.

Nagsalita ang senador ilang araw bago ang nakatakdang plenary debate sa Senado hinggil sa panukalang 2027 national budget, sa gitna ng mga alitang pampulitika, banta ng Super El Niño at lumalalang suliraning pang-ekonomiya.

Binigyang-diin ni Cayetano na kung walang mapagkakasunduang konkretong hakbang upang tugunan ang mga problema, mauuwi lamang sa pamumulitika ang mga talakayan sa budget hearing.
“I don’t expect that a good budget will solve all of our problems. But it’s a start,” aniya.

Hinamon din niya ang mga mambabatas na tukuyin ang mga pangunahing hakbang upang buhayin ang sektor ng agrikultura at manufacturing, kabilang ang paghahanap ng paraan upang mapababa ang presyo ng kuryente na nakaaapekto sa produksyon at negosyo.

Sa sektor naman ng kalusugan, iginiit niyang kailangang magkaroon ng konkretong solusyon upang hindi na kailangang manghingi ng tulong ang mga mahihirap tuwing may miyembro ng pamilya na magkakasakit.

“What’s the one thing we can do sa health para hindi na tayo namamalimos parati ‘pag merong may sakit, para y’ung mga mahihirap hindi takot na pumunta sa ospital?” tanong niya.

Para naman matugunan ang kawalan ng trabaho, sinabi ni Cayetano na mahalagang palakasin ang maliliit na negosyo dahil malaki ang papel ng mga ito sa paglikha ng trabaho.

Iminungkahi niyang tiyakin ng pamahalaan ang sapat na access sa puhunan ng mga small businesses upang makapagpatuloy ang mga ito sa operasyon at mapalago ang kanilang negosyo.

Sa harap ng banta ng Super El Niño, nanawagan din ang senador ng mas pinaigting na koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno sa ilalim ng iisang plano.

Bagama’t may kani-kaniyang paghahanda ang ilang ahensya, sinabi niyang kailangan pa rin ang mas malawak at sama-samang pagkilos bilang isang bansa.

Binigyang-diin ni Cayetano na dapat patunayan ng mga pulitiko ang kanilang sinasabing pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga solusyong tunay na magpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.

“If you ask any politician now, they will say what they’re doing is for the country, whether to impeach or not to impeach, to continue or not to continue the flood control investigations, to file or not to file cases, anong stand sa budget,” aniya.

Hinimok din niya ang mga lider ng pamahalaan at mga komunidad ng pananampalataya na maging mga responsableng gabay ng publiko at magbigay ng malinaw na direksyon sa gitna ng kalituhan.

“We need to have fathers in cities and in our country… We need leaders na may spirit ng pagka-tatay. Bakit po? Because there’s a lot of confusion,” pahayag niya.

Kasabay nito, nanawagan si Cayetano sa mga Pilipino na isabuhay ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagmamahal sa kapwa, hindi lamang sa salita kundi maging sa gawa.

“Kahit anong mangyari, isa lang bansa natin. Kahit anong sabihin natin, tayong mahigit 110 million Filipinos ay magkakapatid, iisang pamilya. ‘Pag may hindi magkasundo sa pamilya, pamilya pa rin, Pilipino pa rin tayo,” dagdag ng senador.

49

Related posts

Leave a Comment