HINIMOK ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III ang mga pamahalaan at parlamento sa Timog-Silangang Asya na palalimin ang kooperasyon sa digital trade at palakasin ang mga pananggalang sa paggamit ng artificial intelligence (AI) upang mapanatili ang paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Ginawa ni Dy ang panawagan nitong Linggo sa ika-15 ASEAN–ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA) Leaders’ Interface na idinaos sa Philippine International Convention Center sa Maynila, kasabay ng 49th ASEAN Summit.
Bilang pangulo ng AIPA, hinimok niya ang mga lider ng ASEAN na ipagpatuloy ang positibong resulta ng pagtatapos ng negosasyon sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA) at isulong ang iba pang pangunahing prayoridad sa ekonomiya.
Binigyang-diin ni Dy na nananatiling matatag ang paglago ng ekonomiya ng rehiyon sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang tagapangulo ng ASEAN.
“Napapansin natin ang tuluy-tuloy na pag-usad ng 19 na Priority Economic Deliverables. Tampok sa pag-unlad na ito ang dalawang mahahalagang tagumpay: ang matagumpay na pagtatapos ng negosasyon sa ASEAN Digital Economy Framework Agreement at ang patuloy na pagsulong sa larangan ng kalusugang pinansyal, na isang mahalagang bahagi ng inklusyong pinansyal,” aniya.
Sinabi rin ng Speaker na kailangang mapanatili ang positibong momentum upang maisakatuparan ang mga natitirang prayoridad ng ASEAN, kabilang ang pagpapatibay sa ASEAN Leaders’ Declaration on Strategic Trade Management at pagsulong sa ASEAN Semiconductor Roadmap na naglalayong palakasin ang mga supply chain sa rehiyon.
Malugod din niyang tinanggap ang pag-usad ng negosasyon sa ASEAN-Canada Free Trade Agreement.
Binigyang-diin din ni Dy ang kahalagahan ng pagtatatag ng mga bagong sentro ng kahusayan para sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) at mga malikhaing industriya upang higit na makinabang ang maliliit na negosyo at mga lokal na manggagawang malikhain sa kooperasyong pang-ekonomiya.
Samantala, sinabi ni Dy na kailangang tiyakin ng ASEAN ang responsable at maayos na pamamahala sa AI na patuloy na nagbabago sa takbo ng ekonomiya at lipunan sa rehiyon.
“Kinikilala natin ang pagbibigay-diin ng Pilipinas sa pamamahala sa AI sa panahon ng panunungkulan nito bilang tagapangulo ng ASEAN, kabilang ang ASEAN AI Summit sa Oktubre at ang ASEAN Leaders’ Declaration on AI-Powered MSME Growth,” aniya.
Dagdag pa niya, dapat palakasin ng mga bansa sa ASEAN ang mga balangkas sa pamamahala ng AI alinsunod sa ASEAN Guide on AI Governance and Ethics, partikular sa pangangalaga sa personal na datos, pangangasiwa ng tao at pantay na access sa mga benepisyong hatid ng teknolohiya.
(TINA MENDOZA)
34 