PNP MULING UMAPELA SA MGA RALIYISTA NA HUWAG GULUHIN ASEAN SUMMIT

MULING nanawagan ang Philippine National Police (PNP) sa mga raliyista mula sa iba’t ibang sektor na huwag makipagsabayan sa idinaraos na 49th ASEAN Summit at iwasang makagambala sa mga aktibidad na kaugnay nito.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., mahalagang mabigyan ng maayos na seguridad ang mga dumadalong pinuno ng estado, kinatawan ng iba’t ibang bansa at maging ang publiko habang nagsisilbing host ang Pilipinas sa mahalagang pagtitipon.

“Hindi po ugali ng mga Pilipino ang mambastos at ilagay sa alanganin ang seguridad ng ating mga bisita,” pahayag ni Nartatez.

Sinabi ng PNP chief na ilang ulit nang nanawagan ang kapulisan sa mga demonstrador na isagawa ang kanilang mga kilos-protesta sa tamang lugar at panahon, kasunod ng mga pagtatangkang makalusot sa mga police line malapit sa mga lugar na pinagdarausan ng ASEAN Summit.

“Hindi nagkulang ang inyong PNP sa pakiusap at paalala sa ating mga kababayan na ilagay sa tamang lugar at panahon ang pagsasagawa ng protesta,” ani Nartatez.

“However, when these appeals were disregarded and public order was affected, our personnel had to perform their duty and enforce the law,” dagdag niya.

Tiniyak ni Nartatez na patuloy na ipatutupad ng PNP ang maximum tolerance sa mga raliyista, ngunit hindi nito papayagan ang anumang pagkilos na maaaring maglagay sa panganib sa mga dayuhang lider, delegado at iba pang bisita.

Samantala, binanggit ni PNP Spokesperson PBGen. Allen Rae Co ang halos 12 oras na pakikipag-usap ng mga pulis sa mga demonstrador sa Muntinlupa City na paulit-ulit umanong pinakiusapang huwag harangan ang kalsada at makagambala sa daloy ng trapiko.

“Hindi ba disruption na rin yung 12 hours na hinarangan mo yung kalsada na walang makadaan? Pero we exercise, again, maximum tolerance and restraint,” ani Co.

Dagdag pa niya, patuloy na sinusubok ng ilang demonstrador ang hangganan ng pagtitimpi ng mga pulis.

Batay sa pinakahuling datos ng PNP, umabot na sa 211 katao ang inaresto kaugnay ng mga protesta, kabilang ang humigit-kumulang 20 menor de edad.

Nanindigan ang PNP na ipagpapatuloy nito ang mahigpit na pagpapatupad ng seguridad sa ASEAN Summit sa kabila ng mga kilos-protesta at alegasyon ng labis na paggamit ng puwersa ng mga pulis.

Samantala, kinondena ng mga progresibong grupo ang mga pag-aresto at umano’y marahas na dispersal sa mga demonstrador.

May ilang abogado rin na nagreklamo tungkol sa umano’y pagkaantala sa pagbibigay ng legal assistance at medikal na atensyon sa mga inaresto.

Ipinagtanggol naman ni Nartatez ang mga pulis na aniya’y gumaganap lamang sa kanilang tungkulin sa gitna ng mahirap na sitwasyon.

Gayunman, tiniyak niyang pananagutin ang sinomang pulis na mapatutunayang lumabag sa mga pamantayan ng PNP sa pagpapatupad ng seguridad.

Nauna nang sinabi ng PNP na kinikilala nito ang karapatan ng publiko sa mapayapang pagtitipon, ngunit kailangang sumunod ang lahat sa umiiral na mga batas at regulasyon.

(JESSE RUIZ)

72

Related posts

Leave a Comment