KUMPIYANSA si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tutuparin ng Estados Unidos ang obligasyon nitong tulungan ang Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty (MDT) sakaling lumala ang tensiyon at mauwi sa armadong komprontasyon.
Sa ginanap na Manila Dialogue on the South China Sea sa Parañaque City, sinabi ni Teodoro na wala siyang dahilan upang pagdudahan ang paninindigan ng Washington na suportahan ang matagal nitong kaalyado.
Nang tanungin kung maaasahan ng Pilipinas ang Estados Unidos sakaling magkaroon ng komprontasyon, diretsahang sumagot ang kalihim.
“Wala akong dahilan upang magduda, kaya ang sagot ay oo,” ani Teodoro.
Gayunman, nilinaw niya na nakasalalay rin ang naturang suporta sa responsableng pagkilos ng Pilipinas at pag-iwas sa mga hakbang na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang kaguluhan.
Binigyang-diin ni Teodoro na nagtutulungan ang Maynila at Washington sa larangan ng depensa upang maiwasan ang armadong tunggalian.
“Nagtutulungan tayo sa larangan ng depensa upang maiwasan ang hindi maiiwasang sagupaan kapag dumating ang panahon,” aniya.
Iginiit din ng kalihim na kailangang higit pang palakasin ng Pilipinas ang sariling kakayahan sa pagtatanggol at katatagan upang makayanan ang iba’t ibang hamon sa seguridad.
Ayon kay Teodoro, mahalagang magkaroon ng sapat na kakayahang militar bilang panangga upang mapanatili ang katatagan ng bansa.
“Ang sandigang iyon ay katatagan. At sa kasamaang-palad, gaya ng pinatunayan ng kasaysayan, talagang kinakailangan ang matatag na kakayahan sa pagtatanggol upang mapanatili ang katatagan ng isang bansa,” dagdag niya.
Muli ring iginiit ni Teodoro na hindi naghahanap ng komprontasyon ang Pilipinas sa mas makapangyarihang bansa, ngunit hindi rin nito basta tatanggapin ang unilateral na panghihimasok sa mga karagatang saklaw ng hurisdiksyon nito.
Binigyang-diin niya na hindi makatwiran para sa isang maliit na bansa na magsimula ng armadong sagupaan sa mas malakas na bansa, subalit hindi nangangahulugan na dapat nitong isuko ang karapatan nito bilang isang soberanong estado.
“Gayunpaman, hindi rin tayo magpapasailalim sa kaisipang basta na lamang tatanggapin ang unilateral na panghihimasok ng sinumang kapangyarihan, gaano man ito kalakas, dahil labag ito sa hindi nagbabagong prinsipyo ng soberanya,” pahayag ng kalihim.
Naglabas ng pahayag si Teodoro sa gitna ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea at pagsisikap ng bansa na higit pang patatagin ang ugnayang pangdepensa nito sa Estados Unidos at iba pang mga bansang may kaparehong paninindigan.
(JESSE RUIZ)
66 