HINILING ng ilang non-government organizations (NGO) at civil society groups sa Asian Development Bank (ADB) na itigil ang pagpopondo sa mga proyektong sumisira sa kalikasan at nakapipinsala sa kalusugan at kabuhayan ng mga komunidad, kabilang ang mga proyektong gumagamit ng fossil fuel.
Inihayag ng mga grupo ang kanilang panawagan sa isang press conference sa Quezon City na pinamagatang “Retire the Harms,” bilang bahagi ng kampanyang “ADB at 60: Retire the Harms, Provide Reparations, Cancel the Debt” kaugnay ng ika-60 anibersaryo ng ADB.
Ayon sa mga grupo, dapat nang wakasan ng ADB ang pagpopondo sa mga proyektong nagdudulot ng sapilitang pagpapaalis sa mga komunidad at sumisira sa kalusugan, kabuhayan at kapaligiran ng mga mamamayan.
Ibinahagi naman ni Dominador “Ka Domeng” Basaya, residente ng Naga City, Cebu, ang naging epekto sa kanilang komunidad ng coal-fired power plant ng Korean Electric Power Corporation (KEPCO) na pinondohan ng ADB.
Ayon kay Basaya, mula nang itayo ang planta sa kanilang lugar ay naapektuhan ang kabuhayan ng mga mangingisda at nasira ang likas na yaman dahil sa polusyon.
Dagdag pa niya, nagkaroon din umano ng iba’t ibang karamdaman ang mga residente, kabilang ang mga sakit sa balat, hika at ubo, na iniuugnay nila sa polusyon mula sa planta.
“Marami sa mga residente sa lugar namin (Naga) ang nagkasakit sa balat, hika, ubo, skin disease at napinsala ang mga kabuhayan ng aming mga mangingisda dahil sa polusyon ng planta,” ani Basaya.
Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan at ADB na panagutin ang mga responsable sa pinsalang idinulot ng proyekto sa kalikasan, kalusugan at kabuhayan ng kanilang komunidad.
Nabatid na kabilang si Basaya sa mga nagsampa ng kaso laban sa ADB bilang pagtutol sa pinondohan nitong power plant sa kanilang lugar. Nanalo umano ang kanilang panig sa kaso, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring sapat na aksyon ang ADB para sa mga pinsalang idinulot sa kanilang komunidad.
Samantala, sinabi ni Atty. Aaron Pedroso, counsel at representative ng mga NGO at civil society groups, na bahagi ng kanilang paggunita sa ika-60 anibersaryo ng ADB ang pagsasagawa ng protesta upang igiit ang reparasyon sa mga apektadong komunidad, pagtatapos ng mga mapaminsalang proyekto at pagkansela sa mga hindi makatarungang utang.
Binigyang-diin ni Pedroso na nagsasagawa ang mga grupo ng simbolikong salu-salo para sa pagreretiro ng ADB upang himukin ang institusyon na wakasan ang mga mapaminsalang gawain, bayaran ang mga komunidad na naapektuhan at kanselahin ang mga utang na hindi makatarungan.
“Hinihiling namin sa ADB na itigil ang pagpondo sa mga mapaminsalang proyekto na sumisira sa kalikasan, kapaligiran at kalusugan ng mga komunidad,” ani Pedroso.
Dagdag pa niya, dadalhin nila sa paggunita ng ika-60 anibersaryo ng ADB sa Japan ang mga reklamo ng mga NGO at civil society groups upang igiit ang pananagutan ng naturang institusyon sa mga proyektong pinondohan nito.
(PAOLO SANTOS)
227 