ARESTADO ang dalawang puganteng South Korean national na kapwa wanted sa kanilang bansa dahil sa magkahiwalay na kasong may kaugnayan sa pandaraya sa isinagawang joint operation sa General Trias City, Cavite.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Jonghun An, 25, at Jin You, 29, kapwa residente ng Sabena Village sa nasabing lungsod.
Nasa kustodiya na sila ngayon ng Bureau of Immigration (BI) sa tanggapan nito sa Maynila habang inaasikaso ang kaukulang proseso.
Sa ulat, dakong alas-12:30 ng hapon noong Lunes nang isagawa ng mga operatiba ng Police Intelligence Unit (PIU), sa pamumuno ni PLCol. Alfonso Saligumba III, ang operasyon katuwang ang BI, Naval Intelligence at Korean Interpol.
Isinilbi sa dalawa ang Interpol Red Notice na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto sa kanilang tinutuluyan sa Sabena Village.
Nahaharap si An sa kasong paglabag sa Article 15-2(1) ng Special Act on the Prevention of Loss Caused by Telecommunications-Based Financial Fraud and Refund for Loss.
Samantala, nahaharap naman si You sa kasong paglabag sa Article 3-1 ng Act on the Aggravated Punishment of Specific Economic Crimes kaugnay ng fraud.
Patuloy na nasa kustodiya ng BI ang dalawa para sa kaukulang imbestigasyon at proseso kaugnay ng kanilang pagkakaaresto.
(SIGFRED ADSUARA)
34 