Sa pagbisita sa Bicol Region $4M TULONG-KALAMIDAD INANUNSYO NG US AMBASSADOR

BINISITA ni United State Ambassador in Manila Lee Lipton ang Camarines Sur nitong Martes, bilang bahagi ng kanyang nagpapatuloy na paglalakbay sa buong kapuluan ng Pilipinas, upang patatagin ang mga ugnayang makatutulong sa mga Amerikano at Pilipino na magtayo ng mas magandang kinabukasan nang magkasama.

Sa pakikipagpulong kay Camarines Sur Governor Luis Raymund Villafuerte Jr., tumutok si Ambassador Lipton sa pagtukoy sa mas maraming pagkakataon para sa magkatuwang na pagkilos ng mga Amerikano at Pilipino sa lalawigan, kabilang ang pagpapaunlad ng negosyo at kalakalan, integrasyon ng makabagong teknolohiya, at seguridad ng supply chain.

Inanunsyo ni Ambassador Lipton na inaaksyunan ng Estados Unidos ang $4 milyon na tulong-kalamidad – sa pamamagitan ng World Food Program – upang makatulong na mabawasan ang epekto ng El Niño sa 38,000 apektadong pamilya. Isang hakbang ito para matugunan ang epekto ng tagtuyot sa mga rehiyon ng Eastern Visayas at Bicol, kabilang ang lalawigan ng Camarines Sur.

Ipinakikita ng pondong ito ang mahusay na paghahatid ng Trump administration ng dayuhang tulong na makapagliligtas ng buhay at may malaking epekto.

Sumusunod din ito sa modelo ng administrasyon sa paggamit ng mga pinagkakatiwalaan at subok ng mga katuwang tulad ng World Food Program upang suportahan ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development ng Pilipinas para sa mga pamilyang Pilipino, kabilang ang nasa maliliit na pamayanang rural.

“Bilang Ambassador, gusto kong dalhin ang ating alyansa sa mas mataas na antas,” ani Ambassador Lipton. “Gusto kong bumuo ng mas magandang kinabukasan para sa mga Amerikano at Pilipino, at gusto kong gawin ito nang magkasama.”

Nakipagpulong din si Ambassador Lipton kay Naga City Mayor Leni Robredo upang talakayin ang kooperasyon sa mga prayoridad na larangan, tulad ng pampublikong kalusugan, mga makabagong teknolohiya at serbisyo ng Amerika, at edukasyon.

Ibinahagi ni Ambassador Lipton kay Mayor Robredo ang mga paraan kung paano magagamit ang kakayahan ng American super intelligence sa pagbuo at pagprotekta sa mga digital health record ng mga Pilipino.

Sa isang pulong kasama ang Metro Naga Chamber of Commerce and Industry, tinalakay ni Ambassador Lipton ang lokal na klima ng negosyo at pamumuhunan at nagpalitan ng mga ideya kung paano palalakasin ang ugnayang pang-ekonomiya ng U.S. sa rehiyon.

Bumisita sina Ambassador Lipton at Mayor Robredo sa Balatas National High School, kung saan tinatapos ng mga mag-aaral mula sa limang paaralan sa lugar, ang masinsinang English Access Scholarship Program na pinondohan ng U.S. Embassy, isang pangunahing haligi ng mga inisyatiba sa pagpapaunlad ng lakas-paggawa ng Bureau of Educational and Cultural Affairs ng U.S. Department of State.

Pinatitibay ng programa ang alyansa ng U.S. at Pilipinas sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyanteng Pilipino na buuin ang kasanayan sa Ingles na kailangan nila para sa mga karera sa hinaharap, gaya ng mga larangan ng STEM. Mula nang simulan ito noong 2005, mayroon nang mahigit 2,000 Pilipinong alumni ng Access.

(JESSE RUIZ)

20

Related posts

Leave a Comment