FLEXING LANG? CHINA, HINDI NAGSASANAY PARA BOMBAHIN ANG MANILA — AFP

WALANG indikasyong naghahanda ang China na maglunsad ng missile attack laban sa Pilipinas matapos mamataan ang isang strategic bomber plane nito na lumipad malapit sa Luzon.

Ayon kay Retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa West Philippine Sea, maituturing lamang na pagpapakita ng puwersa o muscle flexing ang naturang paglipad ng eroplanong pandigma ng China.

Ito ang paglilinaw ng AFP kasunod ng kumalat na ulat sa social media hinggil sa strategic bomber plane ng China na namataan malapit sa Bajo de Masinloc.

Pinawi ni Trinidad ang pangamba na nagsasagawa na ang China ng pagsasanay para sa posibleng paggamit ng missile laban sa Pilipinas, dahil wala umanong nakikitang indikasyon na ito ang layunin ng naturang paglipad.

Gayunman, kinilala niya na ito na ang pinakamalapit na paglipad ng isang Chinese military aircraft sa Luzon, kumpara sa mga naunang insidente na karaniwang umaabot lamang hanggang sa bahagi ng Bajo de Masinloc.

Paliwanag ni Trinidad, bahagi lamang ito ng pagpapakita ng puwersang militar ng China.

Tiniyak din niyang bago pa man makapasok sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang naturang eroplano ay natukoy na ito ng Philippine radar at patuloy na minonitor at sinubaybayan ang galaw nito.

Sinabi rin ni Trinidad na kahalintulad ito ng naunang insidente nang pumasok sa karagatang sakop ng Pilipinas ang isang Chinese aircraft carrier group.

Samantala, naiwasan naman ang posibleng banggaan ng isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos itong lapitan nang mapanganib ng isang Chinese maritime militia vessel malapit sa Panata Island sa Kalayaan Island Group noong Nobyembre 23.

Ayon sa PCG, sinita at inatasan ng mga tauhan nito ang dalawang barkong Tsino na umalis matapos mamataang ilegal na nakadaong sa loob ng teritoryal na katubigan ng Pilipinas.

Sa halip na sumunod, mabilis na lumapit ang isa sa mga barko sa gilid ng BRP Cabra at umabot sa layong 200 yarda.

Dahil dito, napilitang magsagawa ng maniobra ang barko ng Pilipinas upang maiwasan ang posibleng banggaan.

(JESSE RUIZ)

57

Related posts

Leave a Comment