SA GITNA NG MGA BATIKOS, MANDALUYONG MAYOR IPINAGTANGGOL PAMAMAHAGI NG HYBRID VEHICLES

UMANI ng batikos mula sa mga netizen ang pamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ng mga bagong hybrid vehicle sa lahat ng 27 barangay sa lungsod.

Isa sa mga nagpahayag ng pagkadismaya sa naturang hakbang si social media personality Gerry Cacanindin, na kinuwestiyon kung kinakailangan ba talaga ng bawat barangay ang bagong sasakyan at kung dumaan ang mga ito sa masusing pagsusuri bago bilhin.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Cacanindin na mas makabubuting inilaan na lamang sa mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan ang pondo, gaya ng pagbili ng gamot, pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan, pagpapagawa ng daycare centers, feeding programs, scholarship at mga proyektong pang-iwas sa baha.

Kinuwestiyon din niya ang magiging dagdag na gastusin ng pamahalaan sa gasolina, maintenance, insurance at pagkukumpuni ng mga sasakyan.

Binigyang-diin niya na hindi nangangahulugang mas maayos na ang serbisyo publiko dahil lamang sa pagkakaloob ng mga sasakyan sa mga barangay.

Samantala, ipinagtanggol ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ang pamamahagi ng mga nasabing sasakyan, na isinagawa noong Lunes.

Ayon kay Abalos, malaking tulong ang mga sasakyan upang mapabilis ang serbisyo ng mga kapitan sa kanilang nasasakupan at makatugon din sa mga pangangailangan ng lokal na pamahalaan.

Sa isang panayam na inilabas ng BRABO News, isang lokal na online news outlet, ipinaliwanag ng alkalde na matagal nang hinihiling ng mga kapitan ng barangay ang pagpapalit ng kanilang mga sasakyan.

“Taong 2012 pa ang huling ipinamahagi naming sasakyan sa mga kapitan at maliban sa may kalumaan na ang mga ito, naantala pa dahil sa BSKE na hindi naman natuloy kung kaya tinupad natin ang ‘paglalambing’ ng mga punong barangay na mapalitan na,” pahayag ni Abalos.

Ang naturang panayam ay umani ng 1.5 milyong views, mahigit 8,000 komento at 6,000 shares, kasabay ng patuloy na pagbatikos ng ilang netizen sa desisyon ng lokal na pamahalaan.

Ipinagtanggol naman ni Jimmy Isidro, chief of staff ni Abalos, ang naturang pagbili at sinabing nakatipid ang lokal na pamahalaan sa presyo ng mga sasakyan.

Ayon kay Isidro, nagmula sa accumulated savings ng lungsod ang pondong ginamit at dumaan ang pagbili sa masusing procurement process.

Binigyang-diin din niyang para lamang sa mga opisyal na gawain ang mga sasakyan at hindi maaaring gamitin sa personal na lakad.

“Hindi po nila magagamit ito kung papasyal lang. Magagamit po nila ito pang-araw-araw nila kahit holiday kung nasa vicinity lang sila ng barangay nila,” giit ni Isidro.

Dagdag pa niya, hindi dapat punahin ang pamahalaan dahil lamang sa pagbili ng mga bagong sasakyan, lalo’t noong 2012 pa ang huling pamamahagi nito sa mga kapitan ng barangay.

Sinabi rin ng chief of staff na hindi maiiwasan ang mga negatibong komento sa mga proyekto ng pamahalaan, ngunit naninindigan silang makatutulong ang mga sasakyan sa pagpapabilis at pagpapahusay ng serbisyo ng mga kapitan sa kanilang mga nasasakupan.

(NEP CASTILLO)

23

Related posts

Leave a Comment