TINATAYANG aabot sa P68 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu, ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang joint anti-narcotics operation sa Pasay City.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, dalawang high value target ang nadakip sa ikinasang buy-bust operation sa pangunguna ng PDEA Regional Office–National Capital Region Northern District Office (PDEA RO-NCR NDO), katuwang ang PDEA RO-NCR Southern District Office (SDO), Philippine National Police Drug Enforcement Group – Special Operation Unit NCR (PNP DEG SOU NCR), at Pasay City Police Station 1.
Nahuli sa pag-iingat ng dalawang bigtime drug dealer ang nasa 10 kilograms ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride, o shabu, na may estimated standard drug price na P68,000,000.00, sa ikinasang buy-bust operation noong Sabado dakong alas-7:30 ng gabi sa Diosdado Macapagal Boulevard, sakop ng Barangay 76, Pasay City.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Ron,” 41, at “Bai,” 32-taong gulang na ginang.
Narekober ng mga awtoridad sa nasabing operasyon ang isang bukas na gray foil pack na naglalaman ng 1,000 gramo ng umano’y shabu na siyang pakay ng buy-bust operation at karagdagang siyam pang gray foil packs na naglalaman ng 9,000 grams ng suspected shabu, na may kabuuang sampung kilo ang timbang.
Kabilang sa nondrug evidences na nasamsam ang tatlong identification cards, dalawang Android mobile phones, isang genuine bill na ginamit bilang buy-bust money, at isang sasakyan.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) and Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang dalawang suspek.
(JESSE RUIZ)
81 