ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Land Transportation Office (LTO) chief Assistant Secretary Markus Lacanilao bilang bagong administrator ng Maritime Industry Authority (MARINA), na may ranggong Undersecretary.
Kinumpirma ito ng Malacañang kasabay ng pagbabago sa mga posisyon ng iba pang opisyal ng Department of Transportation (DOTr), ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Naganap ang paglilipat kay Lacanilao sa gitna ng transport strike ng grupong Manibela bilang protesta sa pagtanggal sa kanya bilang pinuno ng LTO.
Nauna rito, nagsagawa ng kilos-protesta ang Manibela sa tanggapan ng LTO nitong Lunes, Nobyembre 23, upang kuwestiyunin ang umano’y pagpapalit ng liderato sa ahensya.
Sa kanilang protesta, hiniling ng grupo kay Pangulong Marcos at DOTr Secretary Vince Dizon na ipaliwanag ang dahilan ng pagpapalit kay Lacanilao at kung sino ang nagrekomenda sa naturang hakbang.
Samantala, nagtungo rin sa tanggapan ng LTO si Manibela President Mar Valbuena upang lumahok sa closed-door meeting nina Lacanilao at Dizon.
Tinatayang 600 hanggang 700 katao ang lumahok sa protesta, kabilang ang mga tsuper ng Manibela, motorcycle taxi riders, transport network vehicle service (TNVS) operators, UV Express drivers at truck drivers sa Metro Manila.
(CHRISTIAN DALE)
27 