THUMBMARK NG MGA AETA SA PAX SILICA DOCUMENTS ILANTAD

HINILING ng Malacañang ang pagpapatunay sa pagiging tunay ng mga umano’y thumbmark o tatak-daliri ng mga miyembro ng komunidad ng Aeta na nakalagay sa mga dokumentong may kaugnayan sa inisyatibong Pax Silica na pinangungunahan ng Estados Unidos.

Binigyang-diin ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na hindi papayagan ng pamahalaan na may sinumang mamamayan na maagrabyado o mapapirma sa mga dokumentong hindi nauunawaan ang nilalaman.

“Sa anumang transaksyon, ang Pangulong Marcos Jr. ay hindi hahayaang may maagrabyado sa ating bansa o ang sinumang mga kababayan natin,” pahayag ni Castro sa isang video statement bilang tugon sa mga ulat na ilang miyembro ng komunidad ng Aeta ang umano’y naglagay ng kanilang thumbmark sa mga dokumentong may kaugnayan sa Pax Silica.

“Kailangan itong ma-authenticate. Hindi nararapat na pumirma ang isang tao kung hindi niya naiintindihan ang nilalaman nito,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Castro na sisiyasatin ni Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at CEO Ariel Nepomuceno ang pagiging tunay ng mga naiulat na dokumento.

Noong Abril, inanunsyo ng Estados Unidos na kabilang na ang Pilipinas sa Pax Silica, isang inisyatibong naglalayong palakasin ang mga supply chain para sa semiconductors at rare earth elements o mga bihirang mineral na ginagamit sa iba’t ibang teknolohiya.

Saklaw ng planong Pax Silica hub ang 1,620 ektarya ng lupain sa New Clark City, Tarlac.

Nagpahayag naman ng pangamba ang mga miyembro ng komunidad ng Aeta sa posibleng pagkawala ng kanilang lupang ninuno.

Nauna nang sinabi ng kanilang pinunong pantribo na nag-alok ang BCDA ng P30 kada metro kuwadrado para sa naturang lupain, ngunit tinanggihan umano ito ng lahat ng miyembro ng komunidad.

Samantala, nagdulot ng mga protesta ang pagbisita ni US President Donald Trump sa Pilipinas sa unang bahagi ng linggong ito, kabilang ang pagtutol ng ilang grupo sa pagsali ng bansa sa inisyatibong Pax Silica.

(CHRISTIAN DALE)

20

Related posts

Leave a Comment