ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO
MAGANDANG simula para kay bagong talagang Bureau of Customs (BOC) Commissioner Charlito Martin R. Mendoza ang mainit na pagtanggap at pagpapahayag ng suporta ng Chinese Filipino Business Club, Inc. (CFBCI).
Sa pangunguna ni President Gerald Uy Chan, nangako ang organisasyon na patuloy na makikipagtulungan sa Bureau upang isulong ang mas episyenteng customs administration, transparency, digitalization at pagpapasimple ng mga proseso sa kalakalan.
Bilang isa sa mga pioneer member ng Customs Industry Consultative and Advisory Council (CICAC), matagal nang katuwang ang CFBCI ng Customs sa pakikipag-ugnayan sa pribadong sektor at pagsusulong ng mga repormang makatutulong sa lehitimong negosyo.
Ipinahayag din ng grupo ang tiwala nito sa pamumuno ni Mendoza, na kinilala dahil sa kanyang propesyonalismo, integridad at dedikasyon noong siya pa ang namumuno sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Para sa CFBCI, mahalaga ang bukas na ugnayan ng pamahalaan at negosyo upang matugunan ang mga problema sa industriya at makabuo ng praktikal na solusyon para sa mas mabilis at maayos na kalakalan.
Sa aking pananaw, mahalagang puhunan ang ganitong suporta sa pagsisimula ng panunungkulan ni Mendoza. Hindi sapat na mahusay ang pamunuan ng Customs; kailangan din nito ang tiwala at kooperasyon ng mga sektor na direktang nakikipagtransaksiyon sa Bureau.
Kung magiging matagumpay ang partnership na ito, hindi lamang mga importer at exporter ang makikinabang. Makikinabang din ang pamahalaan sa mas maayos na koleksiyon at ang publiko sa mas matatag na ekonomiya.
Sa bagong kabanata ng pamumuno ni Mendoza, magandang senyales ang pagkakaroon ng isang business organization na handang makiisa sa mga reporma.
Mabuhay ang Bureau of Customs! Mabuhay ang pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor para sa isang mas maunlad na Pilipinas!
***
Sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com
18 