MAHIGIT dalawang linggo matapos suspendihin ng Meta Platforms Inc. ng Facebook ang hindi bababa sa 400 FB accounts ng mga netizens na nagsusulong sa tambalang BBM-Sara UniTeam, sunod na pinuntirya naman ng higanteng social media platform ang personal FB account ng tumatayong tagapagsalita ni leading presidential candidate at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa isang kalatas, kinondena ni Atty. Vic Rodriguez ang Facebook Philippines kaugnay ng aniya’y pinakamataas na antas ng hayagang “censorship” at garapalang pakikialam sa soberanya ng mga Pilipinong tanging hangad ay makibahagi sa nalalapit na halalan sa Mayo.
Paniwala ni Rodriguez, sadyang ginigipit ng FB/Meta ang mga katunggali ni Vice President Leni Robredo, kasabay ng paglalahad hinggil sa diumano’y naganap na pagpupulong sa pagitan ng kampo ng pangalawang pangulo sa mga opisyales ng FB Philippines kamakailan – alegasyong agad na itinanggi ng FB/Meta.
“FB/Meta suspended my account because I am for Bongbong Marcos. This action is censorship in its highest degree and interference in a sovereign act,” pahayag ni Rodriguez.
Para sa tagapagsalita ni Marcos, maihahambing sa terorismo ang pagsikil ng FB/Meta sa Filipino netizens na tulad niya.
“Digital terrorism, no less,” dagdag pa niya.
Gayunpaman, wala naman aniya siyang planong umapela sa pasya ng FB/Meta, kasabay ng pagtiyak na hindi isang suspended FB account ang magpapatigil sa kanyang paglalabas ng pahayag at saloobin kaugnay ng maiinit na usapin sa bansa.
“I will not appeal for I have not violated anything. My duty is to the Filipino people and not to FB/Meta. I will continue communicating with the many other forms of media available that are free from filter, censorship, or manipulation from the foreign platform providers.”
Buwan ng Enero nang kanselahin naman ng Twitter (na pinaniniwalaang nasa kontrol ng FB) ang may 300 social media accounts ng mga netizens na sumusuporta kay Marcos.
Suspetsa ni Rodriguez, isang desperadong hakbang ang ipinamalas ng mga katunggali ni Marcos na milya-milya ang lamang sa siyam na iba pang presidential bets kabilang sina Robredo, Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao, Senador Ping Lacson, dating presidential spokesperson Ernesto Abella, labor leader Leody de Guzman, dating Defense Secretary Norberto Gonzales, Faisal Mangondato at Jose Montemayor Jr.
Batay sa pinakahuling survey, nangunguna pa rin si Marcos na nakasungkit ng 55% preference grade mula sa mga lumahok na respondents. Nasa malayong ikalawang pwesto naman si Robredo na mayroon lamang 36.5%, habang nasa ikatlong pwesto naman si Moreno na nakakuha ng 11.75%.
Samantala, pinagpapaliwanag ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang FB/Meta hinggil sa pagtanggal ng mga social media post ng mga piling opisyal at tanggapan ng pamahalaan.
Ayon kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, higit na kailangan ang linaw sa naganap na pagbabaklas ng mga aniya’y lehitimong kalatas sa naturang platform.
“Ano ang kanilang basehan upang pigilan at kwestyunin ang lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan, kabilang na ng ating National Security Adviser at ng Philippine News Agency? Maging ang post ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera ukol sa libreng edukasyon sa bansa ay hindi nakaligtas sa censorship ng FB,” sabi ni Revilla.
Aniya, marami na siyang natatanggap na reklamo sa tahasang pagsuspende sa mga account ng mga netizens nang walang malinaw na dahilan.
Para kay Revilla, malinaw na pagsupil sa malayang pamamahayag ang mga naturang insidente.
“Kinikilala natin ang mga naging hakbang ng Facebook at Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards. Ngunit sa pagkakataong ito, sa aking pananaw tila nagmalabis ang social media platform at naging balakid sa pagganap ng tungkulin ng matataas na opisyal ng ating pamahalaan,” giit pa ni Revilla.
“Many are pointing their fingers to FB being involved in partisan politics, but I would like to give them the benefit of the doubt. Parang lumalabas lang kasi na naiimpluwensyahan ng pulitika ang aksyon ng Facebook at Meta. It is alarming that the country’s affairs are being controlled and at the mercy of a private foreign corporation. We cannot allow this. I will seek the platform’s explanation on this.” (NOEL ABUEL)
114