CLAIMANT BULILYASO SA 1ST CLASS ‘OMAD’

HINDI na nagawa pang magpumiglas ng isang claimant ng isang kontrabando matapos dakpin ng mga operatiba sa aktong pagtanggap ng drogang itinago sa kargamentong ibi­niyahe pa mula pa sa Pennsylvania sa Estados Unidos.

Sa kalatas ng Bureau of Customs – Port of Clark (BOC-POC), arestado sa isang controlled delivery operation sa Lungsod ng Malabon ang hindi pinangalanang suspek na ‘di umano’y kumagat sa inihandang patibong ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), kasama ang Enforcement & Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang hindi pinangalanang claimant.

Anila, dinakip ang suspek sa aktong pagtanggap ng drogang ikinubli sa loob ng walong pirasong “canisters.” Sa imbentaryo, lumalabas na aabot sa P52,500 ang halaga ng nakumpiskang 35 gramo ng high-grade marijuana.

Bago pa man ang naturang operasyon, bistado na ang laman ng kargamentong idinaan sa mahigpit na pagsusuri ng mga alistong kawani ng BOC-Clark gamit ang makabagong X-ray scanners at K9 sweeping.

Sa bisa ng warrant of seizure and detention na nilagdaan ni BOC-Clark District Collector Alexandra Lumontad, agad na isinailalim na syento-por-syentong pagbusisi ang nabanggit na kargamento. Dito na tumambad ang mga binhi at pinatuyong dahon ng marijuana, na agad namang sinuri ng PDEA.

Ang resulta – positibong tetrahydrocannabinol, na mas kilala sa tawag na marijuana.

Nahaharap naman sa patong-patong na kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) ang hindi pinangalanang suspek.

Sa datos ng BOC-Clark, aabot na sa P114 milyon halaga ng droga ang nasabat ng natu­rang distrito ng kawanihan mula buwan ng Enero ng kasalukuyang taon. (JOEL AMONGO)

162

Related posts

Leave a Comment