CO-ACCUSED NI PASTOR QUIBOLOY ARESTADO SA MILITAR AT PULIS

SA tulong ng Philippine Army, nadakip sa isinagawang law enforcement operation ng Philippine National Police ang isa sa mga kasama at kapwa akusado ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy, na may patong sa kanyang ulo.

“Lumiliit na ho ang mga pinagtataguan ninyo… Hindi ho titigil ang kapulisan, ang military, ang buong puwersa ng gobyerno para kayo ay dakipin” ito ang inihayag kahapon ni Secretary of the Interior and Local Government Benhur Abalos, nang iharap sa media ang nadakip na si Paulene Canada.

Si Paulene Canada na co-accused ni self-proclaimed son of God Pastor Quiboloy, ay naaresto sa isang bahay na halos dalawang kilometro lamang ang layo mula sa PNP Regional Police Headquarters, ani Sec. Abalos.

Iniharap ng PNP, DILG at Armed Forces of the Philippines ang arestadong si Paulene Canada sa publiko, na may P1 million reward sa ikadarakip nito dahil sa patong-patong na kasong child abuse at qualified trafficking.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, sa bisa ng warrant of arrest ay inaresto si Canada sa ikinasang joint operation ng mga pulis at militar sa isang bahay sa Emily Homes Subd., Davao City, bandang ala-una ng hapon noong Huwebes.

Aniya, nakatanggap sila ng report at tawag na nakita ng caller ang babae na kamukha ng nasa litrato ng wanted poster na inilabas ng PNP, na may reward na isang milyong piso.

Bago pa man daw matanggap ang anonymous call ay talagang nagsasagawa na ang nasabing mga ahensya ng mga operasyon at masinsinang surveillance ang intelligence operatives ng pulisya at iba pang mga kasamang ahensya ng gobyerno.

Inilahad din ni Abalos na malaki ang importansya ng pagtutulungan ng bawat isa at nakatulong nga ang ipinataw na isang milyong pesong reward upang tuluyang madakip ang nasabing akusado.

Pinag-aaralan ngayon ng PNP ang panukalang pagdaragdag sa kasalukuyang pabuya laban kay Quiboloy upang mapabilis ang pagkakadakip nito.

Habang binigyang-linaw ni Abalos na ang nasabing pabuya ay galing sa mga pribadong tao at hindi ito ibinibigay at hindi daraan sa kanila.

Ikinokonsidera ng Pambansang Pulisya na maglabas ng sariling pondo o reward para sa sinomang indibidwal na makapagbibigay ng mahalagang impormasyon sa kinaroroonan ng puganteng pastor.

Kung maaalala, inanunsyo ng DILG ang aabot sa P10 milyon na patong sa ulo ng pastor at tig-isang milyong pisong patong sa lima pang kapwa akusado nito na sina Pauline Canada, Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada, at Sylvia Cemanes. (JESSE KABEL RUIZ)

278

Related posts

Leave a Comment