PATULOY na tinutugis ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang utak ng Concepcion criminal syndicate matapos na mapatay ng Bicol PNP ang umaaktong kolektor ng grupo sa kanilang extortion at protection racket.
Sa report na ibinahagi ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, napatay ng kanyang mga tauhan ang isang miyembro ng Concepcion criminal gang nang mauwi sa barilan ang sana’y pagsisilbi ng search warrant dahil sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act of 2002.
Ayon kay PNP-PRO5 Public Information Office chief, P/Major Maria Luisa Calubaquib, matapos na ilatag ang law enforcement operation dakong alas-1:10 kahapon ng madaling araw, ikinasa nang pinagsamang mga operatiba ng RID-RSOU5 kasama ang Bato Municipal Police Station, PIU Cam Sur at 2nd PMFC Cam Sur, ang pagsalakay sa bisa ng search warrant No. IR-2021-79 laban sa target na kinilalang si Melecio Rabusa Lascano.
Sa report ng Camarines Sur Police Provincial Office (CSPPO), habang papalapit ang mga operatiba sa tinutuluyan ni Lascano sa Zone 5, Brgy. Buluang, Bato, Camarines Sur, ay makailang ulit silang pinaputukan ng suspek.
Dahil sa nakaambang panganib, dumipensa ang panig ng mga pulis.
Gumanti ang mga ito ng putok na ikinamatay ng suspek.
Nakuha sa lugar ng pinangyarihan ang isang kalibre 9mm submachine gun at basyo ng bala nito bunga ng pagpapaputok ng suspek.
Batay sa nakalap na impormasyon, si Lascano ang tumatayong kolektor ng perang sapilitang kinokolekta ng grupo mula sa pangingikil sa bayan ng Bato, Camarines Sur at sa mga karatig bayan.
Ang Concepcion criminal gang na pinamumunuan ni Gilbert Concepcion y Saysay, ay ang isa sa grupong tinututukan ng PNP Bicol upang buwagin.
Sa katunayan, patuloy ang manhunt operation ng pulisya at may nakapatong na rin na pabuyang P420,000 halaga sa sino mang makapagtuturo sa kinaroroonan nito. (JESSE KABEL)
189 