HIHIRIT ang Commission on Elections sa Senate Committee on Finance ng karagdagang P1.3 bilyon para matuloy ang BARMM Parliamentary Elections sa 2026.
Ayon kay Comelec Chairman Erwin George Garcia, natapos na ang deliberasyon sa Kamara kaya hindi na naihabol ng komisyon ang karagdagang pondo sa plenaryo.
Umaasa si Garcia na maihahabol pa nila ang hinihiling na pondo, lalo na’t P1.2 bilyon ang nasayang na pondo ng taumbayan, kung saan kalahating bilyong piso ang nagastos sa pag-imprenta ng mga balota.
Ito ay matapos ideklara ng Korte Suprema na labag sa batas ang itinakdang halalan dahilan para hindi matuloy noong Oktubre 13.
Iginiit ni Garcia na sa tuwing naaantala o nire-reschedule ang halalan, laging may karagdagang gastos, kaya kinakailangang humiling muli ng pondo sa Kongreso para sa BARMM Parliamentary Elections.
(JOCELYN DOMENDEN)
