MISTULANG minaliit at binalewala ng mga nakalipas na administrasyon ang Research Institute for Tropical Medicine(RITM) simula nang ituring at ipares ito sa taong ketongin noong si Corazon “Cory” Aquino ang pangulo ng bansa mula 1987 hanggang 1992.
Idiniin ito ni Senadora Maria Imelda Josefa “Imee” Marcos nitong Ika-39 na taong anibersaryo ng RITM.
Itinatag ni Pangulong Marcos ang RITM noong Abril 23, 1981, sa pamamagitan ng Executive Order No. 674.
Tiniyak noon ni Pangulong Marcos na sentro at pangunahing institusyon ng bansa ang RITM hinggil sa pananaliksik at pag-aaral ng matitinding virus.
Kaya, humingi pa noon ng tulong si Marcos sa pamahalaan ng Japan upang magampanan ng RITM ang layuning itinakda niya para rito.
Ngayong nakapasok sa Pilipinas ang coronavirus disease – 2019 (COVID – 19), nanguna ang RITM sa pag-aaral at pagtukoy sa 36,522 katao mula sa mahigit 64,000 indibidwal na sinuri upang matukoy kung tinamaan sila ng COVID – 19 o hindi.
Ngunit, humupa ang operasyon ng RITM makaraang masapul ang 43 empleyado ng nasabing ahensiya.
Nadiskubre ni Senadora Imee Marcos na napabayaan nang husto ang RITM simula kay Corazon Aquino.
Nang matapos ang termino ni Aquino noong 1992, hindi rin binigyan ng malaking pagpapahalaga ni Ramos ang RITM.
Hindi naman napansin ni Joseph “Erap” Estrada ang RITM, dahil nagpokus na ito sa pagtanggi sa mga akusasyon laban sa kanya tungkol sa talamak na katiwalian at korapsyon hanggang napatalsik siya sa Malakanyang noong Enero 20,2001.
Si Gloria Macapagal-Arroyo naman na pumalit kay Estrada ay ‘asiwa’ sa pamilya Marcos, sapagkat batay sa kasaysayan ay ang matandang Marcos ang humarang sa pangarap ng tatay ni Arroyo na si Pangulong Diosdado Macapagal na makakuha ng ikalawang termino sa pagiging pangulo ng bansa noong 1965.
Nang maging pangulo ang lalaking anak nina Cory at Ninoy Aquino na si Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III noong 2010 hanggang 2016, naging sariwa muli ang galit nito sa namayapang Pangulong Marcos na posibleng dahilan kung bakit hindi nito binigyan ng malaking pagpapahalaga ang RITM.
“The long neglect of RITM dates back more than 30 years ago when the Cory administration started treating it like a leper, just because it was built by my father, then President Ferdinand Edralin Marcos, through Executive Order No. 674 in 1981,” ratsada ni Senadora Marcos.
Aniya, maliban sa COVID-19, pinag-aralan at sinaliksik din ng mga taga-RITM ang mga sakit na acute immunodeficiency syndrome (AIDS), severe acute respiratory syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).
Hangad ngayon ni Marcos na palakasin at ibalik ang orihinal na husay at tikas ng RITM, kaya naghain ang senadora ng Senate Bill No. 1407 na naglalayong dagdagan ang bilang ng mga kawani ng RITM, itaas ang kanilang buwanang sahod at benepisyo at magtayo ng mga sangay nito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.
“Nasayang at naisantabi lang ang sana’y teknikal na kooperasyon sa pagitan ng gobyerno ng Japan na tumulong para maitayo ang RITM bilang pangunahing biomedical research center ng bansa para makontrol ang anomang nakahahawang sakit, pero tila nakalimutan ang halaga nito na makatutulong ng malaki sa atin ngayon,” dagdag pa nito.
Sinabi pa nito na ang pagkabigo ng Department of Health (DOH), ang mother agency ng RITM, sa aral ng nakaraan kung saan ilang mga pandemya na rin ang tumama sa bansa kaya hindi pa rin handa ang RITM. NELSON S. BADILLA at NOEL ABUEL
295 