DALAGITA NAG-DIVE SA ILOG, NALUNOD

MAKARAANG mag-dive sa Ilog Pasig, bangkay na nang matagpuan noong Huwebes ng hapon ang isang 14-anyos na dalagita matapos magkayayaang maligo noong Lunes sa Sta. Ana, Manila, iniulat ng pulisya.

Sa punerarya ay positibong kinilala ng mga kaanak ang biktimang si Sanica Bondoc, 14, estudyante at residente ng ND Valderama St., Barangay Bambang, Pasig City.

Base sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bandang alas-4:30 ng hapon noong Huwebes nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa gilid ng Pasig River, malapit sa Alchemco Phil. Compound sa #2880 Lamayan St. sa Sta. Ana.

Habang lumalangoy umano sa ilog ang isang John Roland Lanuza nang makita ang bangkay ng biktima na palutang-lutang kaya’t ipinagbigay-alam sa isang security guard na siya namang nag-report kay Barangay Kagawad Diana Solana, upang maitawag sa MPD-Sta. Ana Police Station 6.

Ayon sa report ng pulisya, napadaan sa lugar ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), sa pangunguna ni Petty Officer 3rd Class Edner Ersando, kasama ang kaanak ng biktima na si Nathalia Percincula, 22, vendor, habang nagsasagawa ng search and rescue operation, sakay ng isang coast guard speed boat.

Namataan umano ni Lanuza ang mga ito kaya’t kaagad na inimpormahan na may natagpuan silang bangkay sa ilog.

Nang ipakita kay Percincula ang bangkay ay positibo niya itong kinilala na ang kanyang nawawalang pamangkin.

Ayon kay Percincula, huling nakitang buhay ang kanyang pamangkin sa Bambang Bridge matapos na mag-dive sa ilog noong Nobyembre 16, kasama ang isa nitong kaibigan.

Dinala naman ng PCG ang bangkay ng biktima sa Lambingan Ferry Boat Station upang maiuwi sa kanilang bahay para mabigyan ng maayos na libing. (RENE CRISOSTOMO)

290

Related posts

Leave a Comment