WALANG GUN BAN SA METRO MANILA, REGION III AT IV-A SA ASEAN SUMMIT — PNP-FEO

NILINAW ng Philippine National Police-Firearms and Explosives Office (PNP-FEO) na walang ipatutupad na gun ban at suspensyon ng Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) kaugnay ng nalalapit na 49th ASEAN Summit.

Pinabulaanan ng PNP-FEO ang kumakalat na advisory na nagsasabing magkakaroon ng gun ban sa Metro Manila, Region III at Region IV-A mula Nobyembre 1 hanggang 15, 2026.

Batay sa pahayag na nilagdaan ni FEO Chief PBGen. Melecio Buslig Jr., walang inilabas na kautusan para sa nationwide suspension ng PTCFOR kaugnay ng naturang summit.

Upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon, pinayuhan ng PNP-FEO ang publiko na sa opisyal nitong Facebook page lamang kumuha ng beripikadong impormasyon.

Samantala, bilang paghahanda sa 49th ASEAN Summit, inilabas na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga alternatibong ruta para sa mga truck na bumibiyahe papunta at palabas ng Port Area.

Para sa mga truck mula Port Area patungong North Luzon Expressway (NLEX), maaaring dumaan sa Road 10, Capulong, Raxabago, Yuseco, Felix Huertas at C-3 Road.

Ang mga truck naman mula NLEX patungong Port Area ay maaaring dumaan sa A. Bonifacio Avenue, C-3 Road at Road 10. Maaari ring gamitin ang alternatibong ruta sa Blumentritt, Aurora, A.H. Lacson, Tayuman, Oroquieta, Yuseco, Raxabago at Capulong Street.

Para sa mga truck na patungong southbound mula Port Area, maaaring dumaan sa Bonifacio Drive, P. Burgos Avenue, Finance Road, Ayala Boulevard, San Marcelino Street, Quirino Avenue at Osmeña Highway.

Ang mga truck naman mula Osmeña Highway patungong South Pier ay maaaring dumaan sa Quirino Avenue, United Nations Avenue, Romualdez Street, Ayala Boulevard, Finance Road, P. Burgos Avenue at Bonifacio Drive.

Para sa mga truck na patungong Manila North Harbor, maaaring gamitin ang Quirino Avenue, Nagtahan, A.H. Lacson Avenue, Yuseco, Raxabago, Capulong at Road 10.

Pinaalalahanan din ang mga truck na patungong pantalan na maglagay ng malinaw na karatula sa harapang windshield na nagsasaad ng kanilang destinasyon.

(ULAT NINA TOTO NABAJA AT JOCELYN DOMENDEN)

14

Related posts

Leave a Comment