APLIKASYON PARA SA BAGONG ASSOCIATE JUSTICE NG SUPREME COURT BINUKSAN

supremecourt

BINUKSAN na ng Judicial and Bar Council (JBC) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa posisyon ng bagong Associate Justice ng Korte Suprema.

Nabakante ang puwesto matapos italaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si Chief Justice Rodil V. Zalameda bilang bagong pinuno ng Kataas-taasang Hukuman, kapalit ng nagretirong si dating Chief Justice Alexander Gesmundo.

Ayon sa JBC, maaaring bisitahin ng mga interesadong aplikante ang opisyal nitong website na www.jbc.judiciary.gov.ph para sa kumpletong detalye at mga kinakailangang dokumento sa paghahain ng aplikasyon.

Itinakda sa Disyembre 28, dakong alas-4:30 ng hapon, ang deadline ng pagsusumite ng aplikasyon para sa posisyon.

Nagbabala rin ang JBC na maaaring managot sa batas at madiskwalipika ang sinumang aplikanteng mapatutunayang naglagay ng maling impormasyon sa kanilang mga isusumiteng dokumento.

Samantala, nauna nang isinumite ng JBC ang listahan ng mga nominado para sa posisyon ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 16.

(JULIET PACOT)

19

Related posts

Leave a Comment