KINUWESTYON ni Senador Nancy Binay ang Department of Transportation (DOTr) sa paggamit ng pondo ng Metro Rail Transit sa pagtatayo ng concrete barriers sa EDSA.
Sa pahayag, sinabi ni Binay na inamin ng DOTr sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa 2021 national budget na ginamit nila ang pondo ng MRT bilang “pamuhunan” sa sektor ng transportasyon.
“Di ba yung MRT Bus augmentation, ito naman yung magpi-field lang kayo ng bus kapag nag-breakdown ang MRT? Wala naman sa usapan na gagawa kayo ng special lane for the buses,” ayon kay
Binay sa ginanap na pagdinig ng panukalang 2021 budget ng DOTr.
Ayon sa DOTr, gumastos ang ahensiya ng P154 milyon sa barriers at P32 milyon naman sa median bus stops.
Tinanong din ni Binay ang ahensiya kung bakit ginawang permanenteng proyekto ang EDSA busway samantalang salungat ang sinasabi ng National Economic and Development Authority, sa hiwalay na pagdinig.
“Tinanong ko ang NEDA ang sagot sa akin this is not a permanent program,” ayon kay Binay.
Iginiit naman ni DOTr Assistant Secretary Mark Steven C. Pastor na epektibo ang proyekto dahil nakatipid ng travel time ng bus mula sa Monumento hanggang PITX ng 3 oras na naging isang oras at limang minuto.
Pero, sinabi ni Binay na pansamantala lamang ito dahil hindi hustong umiikot ang ekonomiya.
“Hindi pa 100% bukas ang ekonomiya natin. Napaghandaan ba ng pag-aaral niyo na 100% bukas ang ekonomiya natin and will it still be efficient by that time?” ayon kay Binay.
Binatikos din ni Binay ang transport department sa kabiguan nitong simulan ang pagtatayo ng Cebu Bus Rapid Transit project matapos umutang ng milyong dolyar na pagtatayo ng special lanes upang mapaluwag ang daloy ng trapiko.
Pero, limang taon matapos itong aprubahan, hindi pa nasisimulan ng DOTr ang proyekto.
“Babayarin natin ‘yung utang nang ni-isang hukay ay walang nagaganap,” giit ni Binay.
Bukod sa interest payments ng utang, babayaran din ng Pilipinas ang default loss kapag nabigong tuparin ang kasunduan.
“Meron pa ‘yang binabayaran na default loss na pag hindi tayo nakaka-comply, binabayaran din natin,” ani Binay.
“The BRT loan took effect on Dec. 3, 2014, and will close by June 30, 2021,” ayon sa mambabatas. (ESTONG REYES)
139 