DIGITAL PROTEST ISASAGAWA NG CUSTOMS BROKERS, PORT TRUCKERS

MAGSASAGAWA simula ngayong Lunes, Oktubre 5, 2026, ng digital protest ang mga customs broker, port trucker at iba pang kaalyado bilang protesta sa umano’y mga problema sa serbisyo ng mga foreign shipping line sa mga daungan ng Maynila.

Tinawag ng grupo ang kanilang protesta na “Rest Day at the Ports of Manila,” kung saan layunin nilang ipakita ang pagtutol sa sinasabing pagkabalam sa daloy ng kalakalan dahil sa hindi pagtanggap ng ilang foreign shipping line sa mga bakanteng container na nakahanda nang isauli.

Ayon sa grupo, nagreresulta umano ito sa pagtaas ng gastos sa pagpapadala, hanggang tatlong beses na pagtaas ng singil sa trucking service, lift-on/lift-off (LO/LO) charges sa container yard depot at karagdagang P15,000 na bayad sa pagbo-book ng bawat slot para lamang maibalik ang mga bakanteng container.

Iginiit ng grupo na ang mga naturang serbisyo ay ginagawa umano ng ilang tauhan ng shipping line at iba pang indibidwal.

Hinikayat ng mga convenor ang mga practicing customs broker, importer at exporter, trucker operator, forwarder at iba pang kaalyado na suportahan ang digital protest, rest day at physical no-hauling activity.

“Expect that you are not seeing mass action or rally, ‘WE ARE IN DIGITAL PROTEST’ by not clicking or stop visiting our import platform except for lodgment if needed arises to avoid 15 days abandonment,” pahayag ng grupo.

Hinimok din ng grupo ang mga customs broker na huwag munang mag-click o bumisita sa processing platform maliban kung kinakailangang mag-lodge ng goods declaration upang maiwasan ang 15-araw na abandonment.

Kung nakapag-lodge na, hiniling ng grupo na huwag muna itong i-portal. Kung na-assess na, nakapagbayad at nakapag-generate na ng Online Release System (OLRS), hiniling nilang huwag munang mag-generate ng gate pass, tabs at truck manifest, at huwag munang ibigay ang gate pass sa mga trucker o sariling mga trak.

Para naman sa mga port trucker, hiniling ng mga convenor na huwag munang tumanggap ng gate pass, tabs o truck manifest at huwag munang magkarga o bumiyahe.

“Ito ay tanda ng ating diskontento sa serbisyo ng mga foreign shipping lines,” sabi ng grupo.

(JESSE RUIZ)

59

Related posts

Leave a Comment