TRISECTORAL HOUSING MOVEMENT: BAHAY AY KARAPATAN, HINDI KALAKAL

NANAWAGAN ang Philippine Trisectoral Housing Movement (PTHM) ng sapat at abot-kayang pampublikong pabahay, seguridad sa paninirahan at pagtigil sa sapilitang demolisyon at pagpapaalis sa mga residente.

Ginawa ng PTHM ang panawagan kasabay ng protesta nito sa harap ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ngayong Oktubre 5, World Habitat Day.

Kabilang sa broad formation ang PANGISDA-Pilipinas, LUPA-Pilipinas na kumakatawan sa mga maralitang tagalungsod, Workers for People’s Liberation (WPL), Liga ng mga Organisasyon ng Kababaihang Nagkakaisa (LORENA-KAISA KA) at Youth for Nationalism and Democracy (YND).

Ayon kay Elmer Galario, secretary general ng LUPA-Pilipinas, hindi dapat ituring ang pabahay bilang produkto lamang na binibili at ibinebenta sa merkado.

“Housing is a human right and a public service—not a commodity for profit,” ani Galario.

Ayon naman kay Primo Amparo, general secretary ng Workers for People’s Liberation (WPL), hindi sapat na may itinayong bahay kung hindi naman ito abot-kaya ng mga pamilyang nangangailangan o kung ang paglilipatan ay maglalayo sa kanila sa kanilang trabaho, kabuhayan, paaralan, serbisyong pangkalusugan at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kabilang sa mga panawagan ng grupo ang pagpasa ng Comprehensive Public Housing Act, paglalaan ng katumbas na 2 porsyento ng gross domestic product (GDP) para sa pabahay, pagtigil sa demolisyon at pagpapaalis nang walang sapat at ligtas na alternatibong pabahay, at paggamit ng mga lupang pag-aari ng National Housing Authority (NHA) para sa pampublikong pabahay, ayon kay Amparo.

Hiniling din ng grupo ang pagrerepaso sa mga probisyon ng Republic Act No. 12216 o New NHA Charter na, ayon sa kanila, ay nakaaapekto sa seguridad sa paninirahan ng mga maralitang pamilya.

Inilahad naman ni Pablo Rosales, pangulo ng PANGISDA-Pilipinas, ang kanilang panawagan para sa pagtatayo ng public rental housing malapit sa mga lugar ng trabaho at sentrong urban, proteksyon sa mga komunidad na maaapektuhan ng mga proyekto sa imprastraktura, at pagtigil sa mga reclamation project na maaaring makaapekto sa mga komunidad at kabuhayan ng mga mangingisda.

“Ang tunay na sapat na pabahay ay dapat may seguridad sa paninirahan, abot-kayang halaga, access sa pangunahing serbisyo at oportunidad para sa kabuhayan,” saad ni Rosales.

Hiniling din ni Rosales na agad na maipatupad ang fisherfolk settlement program upang matiyak ang paninirahan at kabuhayan ng mga pamilyang mangingisda na maaaring maapektuhan ng reclamation at infrastructure projects sa Manila Bay at coastal areas ng Cavite.

Ayon sa PANGISDA-Pilipinas, kabilang sa mga komunidad na dapat maprotektahan ang mga umaasa sa aquaculture, kabilang ang tahong at talaba, bilang pangunahing kabuhayan.

Sa kanilang protesta ngayong World Habitat Day, iginiit ng Trisectoral Housing Movement na ang pabahay ay bahagi ng serbisyong dapat tiyakin ng pamahalaan, lalo na para sa mga pamilyang pinakamahirap at higit na nanganganib na mawalan ng tirahan.

(Ni Jun Villarica)

68

Related posts

Leave a Comment