3 PUMALAG NA TULAK PATAY SA PARAK

BULACAN – Patay ang tatlong hinihinalang tulak ng ilegal na droga makaraang manlaban umano sa mga pulis sa ikinasang anti-illegal drug operations sa magkahiwalay na lugar sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigang ito, noong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni P/Col. Lawrence Cajipe, Provincial Director ng Bulacan PNP, ang mga napatay na sina Noe Ababa, isang alyas Dagul at isang hindi kilalang kasamahan nito.

Base sa report ni P/Lt. Col. Carl Omar H. Fiel, acting chief of police ng San Ildefonso Municipal Police, ala-1:20 ng madaling araw noong Sabado nang magkasa ng buy-bust operation ang Regional Drug Enforcement Unit 3 (RDEU-3) at San Ildefonso Police sa Barangay Pinaod at target si alyas Dagul at hindi kilalang kasama nito na dumating sa lugar lulan ng kotseng itim.

Matapos ang transaksyon ay nakatunog ang dalawang armadong suspek na pulis ang katransaksyon kaya nagpaputok ng baril ang mga ito.

Gumanti naman ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.

Narekober ng Bulacan SOCO team sa napatay na mga suspek ang isang caliber .45 pistol, isang caliber .38 revolver, magazine at bala, mga basyo ng bala, 11 pakete ng shabu na umabot sa 58 gramo at tinatayang P264,000 ang halaga, buy-bust money at isang Toyota Vios na itim na may plakang NDA-7732.

Habang dakong ala-1:30 ng madaling araw noon ding Sabado, muling nagkasa ng buy-bust operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng San Ildefonso Police sa Barangay Sumandig ng nasabi ring bayan laban sa suspek na si Ababa.

Ngunit nahalata umano ng suspek na pulis ang katransaksyon kaya nanlaban ito naging dahilan upang mapatay ito ng mga awtoridad.

Nakatakas naman ang kasama ni Ababa na lulan ng itim na motorsiklo patungo sa Barangay Umpucan sa San Ildefonso.

Narekober ng mga awtoridad sa lugar ng engkuwentro ang isang caliber .38 revolver Smith and Wesson na walang serial number, 15 maliliit na pakete ng shabu at buy-bust money. (GINA BORLONGAN)

129

Related posts

Leave a Comment