NANAWAGAN si ACT-CIS Party-list Representative Rowena Niña Taduran sa lahat ng pribadong media networks na makipagtulungan sa distance learning program ng pamahalaan habang patuloy ang banta ng COVID-19.
Hinimok ng House Asst. Majority Leader ang lahat ng istasyon ng telebisyon at radyo na ibalik ang mga palabas na pambata na maaaring makatulong sa pagpapalawak at pag-unlad ng bokabularyo at kaalaman sa mathematics, gayundin ang pagsusulong ng kagandahang asal.
Hinikayat ng mambabatas ang media networks na makipagtulungan sa Department of Education sa posibleng produksyon ng mga bagong educational shows na makatutulong sa mga mag-aaral.
Ipinaalala ni Taduran sa media networks na may obligasyon silang gumawa ng mga palatuntunang pambata batay sa Broadcast Code of 2007 ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
“Sa ilalim ng Broadcast Code ng KBP, dapat ay 15% ng mga programa sa telebisyon at radyo ay para sa mga bata. It is the responsibility of the TV and radio stations to promote mental, physical, social and emotional development of the children through their programs,” ayon kay Taduran.
Idinagdag pa ng mambabatas na sa halip na punahin ang mga mali ng DepEd sa kanilang modules, dapat ay tulungan pa nila ito na mapaunlad ang kanilang distance learning system.
“Sa halip na pumuna lang, dapat ay makipagtulungan tayo sa DepEd para maitama ang mga mali sa kanilang modules. Kung mayroon man kayong nakikitang problema, hindi ba mas maganda kung may maipo-propose kayong solusyon? Kung mayroon tayong educational shows na maipo-produce ng bright minds ng media sa pakikipagtulungan ng DepEd, mababantayan ang mga mali at ang mailalabas lamang ay ang mga tamang dapat matutunan ng mga bata,” ani pa ni Taduran. (CESAR BARQUILLA)
