ERWIN TULFO: SENATE BLUE RIBBON COMMITTEE, IIMBESTIGAHAN MGA SUBSTANDARD AT PALPAK NA PUBLIC WORKS

KASUNOD ng mga ulat hinggil sa mga public works project na mabilis masira dahil sa kaunting pag-ulan, inihayag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo na tututukan ng komite ang mga substandard na proyekto ng pamahalaan at pagpapanagot sa mga nasa likod nito.

“Bukod sa mga bagong pangalan at isyu na may kaugnayan sa anomalya sa flood control, iimbestigahan din natin ang mga substandard na proyekto. Ang mga tulay, kalsada, at iba pang pampublikong pasilidad na malinaw na hindi sumunod sa mga pamantayan—iimbestigahan natin iyan isa-isa,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa radyo.

“Halatang may korapsyon diyan dahil binigyan ka ng pera o budget para sa mga proyektong iyan pero di natatapos o di kaya naman substandard,” dagdag niya.

Inihayag din ni Tulfo na nakikipag-ugnayan na ang komite sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kaugnay na ahensya ng pamahalaan.

Ayon kay Tulfo, kinakailangan ang imbestigasyon lalo na’t kamakailan lamang ay gumuho ang isang malaking retaining wall sa kahabaan ng EDSA-Ayala northbound sa Makati City matapos ang sunod-sunod na bagyo.

Nagdulot ito ng matinding pagsisikip ng trapiko nang maharangan ang dalawang pangunahing linya ng daan.

Agad itong kinondena ni DPWH Secretary Vince Dizon matapos matuklasang ang gumuhong bahagi ay gawa umano sa magaan na hardiflex sa halip na matibay na semento.

Bagama’t binigyang-diin ni Tulfo ang kaniyang kahandaang palawakin ang pagsisiyasat sa flood control issue kapag may mga pangalang lumutang, nilinaw niyang tututukan din ng Blue Ribbon Committee ang mga nakabinbing isyu ng korapsyon sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Mula sa kaniyang track record bilang aktibo at masigasig na vice-chairman bago pamunuan ang Blue Ribbon Committee, iginiit ni Tulfo na ang usapin sa flood control ay isa lamang sa maraming isyu ng korapsyon na dapat mabuksan at masusing mapag-aralan.

“Matagal nang pinahihirapan ng korapsyon ang ating bansa. Magiging mahigpit kami sa pagkalap ng mga matitibay na ebidensya at gagawin namin ito nang ayon sa mga alituntunin ng komite at ng batas,” pagtatapos niya.

90

Related posts

Leave a Comment