DAHIL sa patuloy na masamang panahon bunsod ng bagyo at umiiral na Southwest Monsoon o Habagat, inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) ang suspensyon ng Career Service Examination–Pen and Paper Test (CSE-PPT) para sa Professional at Subprofessional levels na nakatakda kahapon, Agosto 9, sa ilang lugar.
Kabilang sa mga testing center na ipinagpaliban ang pagsusulit ang mga nasa Batangas, Cavite, Laguna at Rizal sa Region 4A, gayundin ang lahat ng testing center sa National Capital Region dahil sa posibleng panganib sa mga examinee dulot ng masamang panahon.
Kinansela rin ang CSE-PPT sa Cordillera Administrative Region (CAR), partikular sa Baguio, La Trinidad at Abra.
Hinimok ng CSC ang mga examinee na patuloy na subaybayan ang kanilang official Facebook page para sa mga susunod na update hinggil sa kanilang pagsusulit.
Samantala, itinuloy ang CSE-PPT sa Central Luzon sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon sa inilabas na pahayag ng CSC, sinuspinde lamang ang pagsusulit para sa Professional at Sub-professional levels sa National Capital Region at mga lugar sa Region 4 at CAR dahil sa public safety concerns.
Sa Guiguinto, Bulacan, itinuloy ang pagsusulit matapos ihatid ng truck ang mga examinee patungo sa kanilang testing site. Hindi rin napigilan ng malalakas na pag-ulan ang mga nagnanais maging government employee na kumuha ng CSE-PPT sa Pampanga.
(JESSE RUIZ)
76 