ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. si dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda Jr. bilang executive director ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Papalitan ni Acorda si Undersecretary Gilbert Cruz, na dating nagsilbi rin bilang PNP Academy (PNPA) chief bago italaga sa PAOCC noong Enero 2023.
Matatandaang pinamunuan ni Acorda ang PNP mula Abril 2023 hanggang Marso 2024. Isa siyang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) “Sambisig” Class of 1991 at nagsilbi rin bilang director ng PNP Directorate for Intelligence bago maging hepe ng pambansang pulisya.
Ang PAOCC, na nilikha sa ilalim ng Executive Order No. 295 noong taong 2000, ay may mandatong magsagawa ng mga hakbang para sa epektibo at episyenteng anti-crime operations laban sa mga sindikato at mga protektor ng kriminalidad sa gobyerno, sa pamamagitan ng matatag na intelligence at counterintelligence efforts.
Sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Marcos, inaasahang ipagpapatuloy ni Acorda ang mga inisyatiba ng PAOCC, kabilang ang malawakang crackdown sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na sangkot sa human trafficking, kidnapping, at iba pang criminal activities.
(CHRISTIAN DALE)
