FRONTLINER NA BABAENG KAGAWAD, TINAMBANGAN

HINDI pa rin napigilan ang karahasan sa kabila ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pambansang pulisya na bigyang seguridad ang mga frontliner matapos pagbabarilin at mapatay ang isang babaeng kagawad habang pauwi ito galing sa duty sa kanilang barangay sa Biñan City, Laguna, Linggo ng madaling araw.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang si Melody Quijano, 39-anyos, residente at kagawad ng Barangay, Dela Paz.

Ayon sa Biñan police, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima at pauwi na sana nang tambangan ng mga suspek na nag-abang sa tapat ng hump sa kalsadang dadaanan ng biktima dakong ala-1:55 ng madaling araw.

Ayon kay PLTCOL Danilo  Mendoza, hepe ng Biñan police, tatlong anggulo ang kanilang tinitingnan sa krimen.

Una ay may kinalaman sa pautang ng biktima, ikalawa ang trabaho nito bilang frontliner ng barangay at ikatlo ang anggulong may kinalaman sa ilegal na droga.

Ayon sa hepe, aktibong kagawad ang biktima sa kanyang barangay at mahigpit na tumutulong sa kampanya laban sa ilegal na droga. NILOU DEL CARMEN

194

Related posts

Leave a Comment