RAPIDO NI TULFO
ISANG reklamo mula sa isang ginang na nakatira sa Pangasinan, ang aming natanggap sa pamamagitan ng aming hotline.
Ayon sa kawawang ginang na itago na lang natin sa pangalang “Malou”, 45-taong gulang, inabandona siya ng kanyang mister nang ito ay magpunta na sa Canada, tatlong taon ang nakararaan.
Pinalayas din daw siya ng kanyang hipag sa bahay ng kanyang mister dahil na rin sa utos nito. Ayon kay Gng. Malou, maayos naman ang pagsasama nilang mag-asawa bago nagpunta ang kabiyak sa Canada para magtrabaho.
Isinisisi ni Gng. Malou sa kanyang hipag ang pagtabang ng samahan nilang nag-asawa dahil noon una raw ay dumaraan pa dito ang perang sustento na ipinadadala sa kanya. Nalaman daw niya na sinusulsulan ng kanyang hipag ang kanyang asawa na maghinay-hinay sa pagbibigay ng pera sa kanya.
Humantong ang kanilang alitan sa paghaharap sa barangay dahil pilit na raw humihingi ng duplicate na susi sa kanilang bahay ang kanyang hipag.
Pumayag naman daw siyang ibigay ito matapos na mangako ang kanyang mister na siya ay i-unblock sa messenger na hindi naman nito ginawa.
Ang tanong ni Gng. Malou, ano ba ang habol niya sa kanyang mister? Ang aming sagot dito ay bilang “legal na asawa” ay protektado ang karapatan nito na makatanggap ng sustento galing sa kanyang mister.
Idinagdag din namin na ang pag-aabandona ng kanyang asawa sa kanya ay papasok sa VAWC o Violence Against Women and Their Children Act. Kaya pwede nitong kasuhan ang mister kahit pa nasa ibang bansa ito.
Sinabi din namin dito na bumalik sa bahay nilang mag-asawa kahit pa isinusumbat ng kanyang hipag na wala naman siyang kontribusyon sa pagpapagawa ng naturang bahay. Dahil sa ilalim ng batas ay may karapatan siya sa anomang pag-aari ng mister dahil wala naman silang kasunduan na pinirmahan na “pre-nuptial agreement” bago sila ikinasal.
68