PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
SANA, bago matapos ang 2024, mapirmahan na ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang batas na iniakda ni Bicol Saro Party-list Rep. Brian Raymund Yamsuan.
Nakita kasi ni Rep. Yamsuan ang malaking pinsala sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda ng dalawang magkasunod na bagyong ‘Kristine’ at “Leon,’ at alam natin, lagi tayong binibisita ng mga bagyo, kada taon.
Sa report ng Department of Agriculture (DA), P5.75 bilyon ang pinsala sa kabuhayan at hanapbuhay na dala ng bagyong ‘Kristine’ na nagpapahirap ngayon sa kabuhayan at hanapbuhay ng mahigit sa 131,661 na magsasaka at mangingisda.
Agad na nadama ni Rep. Yamsuan ang mabilis na tulong, ng agad-agad na malasakit, at tugon sa hawak niyang House Committee on Aquaculture and Fisheries Resources, kailangan ang isang batas na titiyak ng mabilis na hakbang para mabilis na maka-recover ang mga manggagawang bukid at mangingisda sa buong bansa.
Salamat sa tulong ng Senado, ang panukala ni Kinatawan Brian na amyenda sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay inaprubahan.
Pinagtibay na pondohan ng P30 bilyon ang tulong sa mga magsasaka na dati, P10 bilyon lang ang alokasyon.
Wow, at alam n’yo ba, mahigit sa 2.4 milyong maliliit na magsasaka na nagbubungkal lamang ng mababa sa dalawang ektarya, ay makikinabang sa panukala ni Rep. Yamsuan.
Buo ang pag-asa niya, sa panayam ng media, magiging epektibong instrumento ang pag-triple ng alokasyon sa mga magsasaka na iginupo ng bagyong ‘Kristine,’
Hindi pababayaan ni Rep. Yamsuan ang kapakanan ng mga mangingisda — na makikinabang ang mga namamalakaya sa Manila Bay na taga-Parañaque City at maging sa buong bansa.
Itinutulak niya na maipasa ang proposal na Pantawid Pambangka Program, na magbibigay ng P1,000 monthly fuel sa maliliit na mga namamalakaya sa local government units (LGUs).
Alam ni Yamsuan, hindi madali ang pagbangon ng mga mangingisda na pinerwisyo ng bagyong ‘Kristine,’
Kaya, panukala niya, gawing tuloy-tuloy at palagian ang sustentong tulong sa mga magsasaka at mamamalakaya.
“This is a continuing process that requires sustained funding and assistance to our farmers and fisherfolk,” sabi ni Rep. Yamsuan.
Paano ito gagawin? Ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pambangka Program ay otomatik na miyembro ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Eto pa ang dagdag na tulong sa panukala ni Rep. Yamsuan: magkakaloob ang Social Security System (SSS) ng micro-insurance mechanisms sa mga benepisyaryo.
Basta sa kapakanan ng sektor ng mangingisda at magsasaka, maaasahan si Rep. Yamsuan. At alam n’yo ba? Maraming tulong ang naipamimigay sa mga residente ng Parañaque nitong Bicol Saro Party-list.
Panahon na nga, sabi ng mga residente ng lungsod, na maging regular na representante nila si Yamsuan nang ganap na matutukan ang kapakanan nila.
Alam kasi ni Yamsuan ang hirap na dinaranas ng mga kalungsod niya, kasi nga, maalam siya at damang-dama ang nasa puso at isip ng mahihirap.
Sa next column, ating tatalakayin ang kasalukuyang mga proyekto ni Rep. Yamsuan na makikinabang ang mga taga-Parañaque City.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.
112