(NI NOEL ABUEL)
PINAWI ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangamba ng ilang sektor na magdeklara ng martial law si Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng sunud-sunod na nangyayaring patayan sa lalawigan ng Negros Oriental.
Aniya, isang abogado si Pangulong Duterte at batid nitong ang Martial Law ay maaaring ideklara lamang kung may sapat na basehan.
“Si Pangulong Duterte, abugado po ‘yan. Hindi naman po kailangan at wala namang basehan na dapat i-declare ang Martial Law. Hindi po gagawin ni Pangulong Duterte ‘yan, knowing him for the past twenty-one years,” ayon kay Go.
Ngunit inamin nito na pinag-iisipan nang husto umano ni Pangulong Duterte na ideklara ang batas-militar sa Negros Oriental dahil na rin sa hindi katanggap-tanggap ang nangyayaring krimen dito.
“Sa ngayon, pinag-iisipan pa po ni Pangulong Duterte ’yan dahil medyo hindi po katanggap-tanggap ’yung mga nangyayari doon,” sabi ni Go na idinagdag pang ang interes ng higit na nakararaming Filipino ang iniisip ng Pangulo.
Samantala, nanawagan ito sa taumbayan, partikular ang mga nakatira sa Mindanao na hintayin muna ang assessment ng military advisers ng pamahalaan kung kailangan pang palawigin ang batas-militar sa nasabing rehiyon.
“Hintayin na lang po natin ang assessment ng gobyerno, ni Pangulong Duterte, ng mga military advisers niya kung kailangan talagang i-extend ’yung Martial Law sa Mindanao,” sabi nito.
Handa rin naman aniya nitong suportahan ang magiging desisyon ni Pangulong Duterte kung kailangan talagang i-extend ang martial law sa Mindanao.
255