GOBYERNO NAKATUTOK SA KALIGTASAN NG 17 PINOY SEAFARERS

GINAGAWA ng gobyernong Marcos para maiuwi nang ligtas ang 17 Filipino seafarers mula sa pagkakabihag ng Yemen’s Houthis sa Red Sea.

Sa isang kalatas, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na prayoridad ng gobyerno ang kaligtasan ng mga bihag na Pinoy.

“Our seafarers are not alone. The government is doing everything in our power to bring them safely home,” aniya pa rin.

Tinuran pa ng Pangulo na nakikipag-ugnayan ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa counterpart nito sa Iran, Oman, Qatar, at Saudi Arabia para humingi ng updates sa nagaganap na hostage taking.

Regular ding nakikipag-usap ang Department of Migrant Workers sa pamilya ng mga hostage.

Sa kabilang dako, sinabi ng DFA na kabilang ang Filipino seafarers sa mga dayuhan na binihag nang masabat ng rebeldeng Houthi ang isang cargo ship sa katimugang bahagi ng Red Sea.

“Kasama ang iba’t ibang dayuhan, so nababahala tayo dito. This is not the first time na may na-hostage. Sinabi ng mga humuli na walang sasaktan na foreign na tripulante,” ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Eduardo De vega.

Ang Houthis, kaalyansa ng Iran, inilunsad ang long-range missile at drone salvoes sa Israel, para pagtibayin ang pakikiisa sa Hamas militants na lumalaban sa Gaza Strip.

Nauna rito, nagbabala ang tagapagsalita ng grupo na target nito ang mga barko na pag-aari ng Israel.

“Meron itong koneksyon sa gyera sa Israel-Hamas… Tinarget ito dahil Israeli-owned daw kahit na Japanese yung company,” ayon kay De Vega.

Matatandaang iniulat ng DFA na napasok ng mga Yemen Houti Rebels ang Israeli linked cargo ship habang naglalayag sa Red Sea at ngayon ay hostage ang mga sakay nito kabilang ang 17 Filipino seafarers.

Samantala, hinimok ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang mga ahensya ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan ng 17 Filipino seafarers na hinostage ng mga rebelde sa Red Sea.

Partikular na nananawagan si Villanueva sa Department of Foreign Affairs at Department of Migrant Workers na gawin ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maiuwi nang ligtas ang ating mga kababayan.

Ipinaalala pa ni Villanueva na itinatag ang DMW upang mas maging mabilis at episyente ang serbisyo para sa ating overseas Filipino workers.

Kasabay nito, tiniyak din ng senador ang AKSYON fund ng departamento upang mabigyan ng agarang tulong ang mga OFW na nangangailangan.

Iginiit ng mambabatas na kailangan ang mabilis na pagtiyak sa kaligtasan ng bawat mamamayang Pilipino lalo na ang OFWs na nakikipagsapalaran sa ibang bansa para mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga pamilya.

Kaugnay nito, nagpahayag ng pagkabahala ang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa kaligtasan ng 17 Pinoy seamen.

Sa magkakahiwalay na pahayag, kinondena ng mga kongresista ang rebeldeng Houthi na sinasabing konektado sa Iran at pinagkamalamang pag-aari ng Israel ang cargo ship na Galaxy Leader kaya hinayjack nila ito gayung pag-aari ito ng bansang Japan.

“We, at the House of Representatives, are deeply concerned about the distressing situation involving 17 of our brave Filipino seafarers who are currently held hostage by Houthi rebels in the Red Sea. This situation demands our immediate and focused attention,” ani House Speaker Martin Romualdez.

Inatasan naman ni House committee on overseas workers affairs chairman Ron Salo ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na makipagtulungan sa international community para kaligtasan ng mga Pinoy.

“It is imperative that we engage with international bodies to exert diplomatic pressure and influence towards a peaceful resolution. Our government’s intervention is crucial, and we must leave no stone unturned to protect our citizens caught in this perilous situation,” ani Salo.

Lumalabas na nadamay lang sa hidwaan ng Iran at Israel ang mga biktima na crew ng mga nasabing cargo ship kaya kailangan aniyang tiyakin ng gobyerno ang kaligtasan ng mga ito at maiuwi ang mga ito ng buhay sa bansa.

Ayon naman kay OFW party-list Rep. Marissa Magsino, ang pag-jihack ng mga rebeldeng Houthi sa nasabing cargo ship ay indikasyon ay laging nasa panganib ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ito ang dahilan kaya kailangan aniyang maipasa na ang Magna Carta for Seafarers sa lalong madaling panahon para sa karagdagang proteksyon at benepisyo ng mga Pinoy Seaman.

“Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng panganib na kinakaharap ng ating mga seafarers sa kanilang trabaho at ito ang isang nais natin matulungang maresolba sa isinusulong nating Magna Carta for Seafarers,” ani Magsino.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)

475

Related posts

Leave a Comment