DALAWANG magkasunod na buwan nang nangunguna ang Quezon Police Provincial Office sa hanay ng mga police provincial office sa CALABARZON, matapos muling tanghaling Best Police Provincial Office para sa Oktubre 2026.
Tinanggap ni Quezon PPO Provincial Director PCol. Romulo Albacea ang parangal sa awarding ceremony na ginanap nitong Nobyembre 23 sa Regional Command Center, Camp BGen. Vicente Lim sa Calamba City, Laguna.
Nakakuha ang Quezon PPO ng average Unit Performance Evaluation Rating o UPER na katumbas ng Very Satisfactory, dahilan upang igawad dito ang Perpetual Trophy at Certificate of Recognition.
Ito na ang ikalawang sunod na pagkilala sa tanggapan matapos din itong tanghaling Best Police Provincial Office nitong nakaraang buwan ng Setyembre.
Ayon kay PD Albacea, bunga ang sunod-sunod na pagkilala sa sama-samang pagsisikap, pagtutulungan at dedikasyon ng lahat ng mga tauhan ng Quezon PPO sa pagpapatupad ng mga programa at operasyon ng pulisya.
Hinimok din niya ang mga tauhan na panatilihin ang mataas na antas ng kanilang serbisyo at patuloy na pagbutihin ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
(NILOU DEL CARMEN)
29 