Mga kaanak muling kumatok sa CA GANAP NA KATARUNGAN ASAM PA RIN SA MAGUINDANAO MASSACRE VICTIMS

MULING kumatok sa Court of Appeals (CA) ang mga naulilang pamilya ng mga biktima ng Maguindanao Massacre upang maghain ng second urgent motion for resolution.

Kasabay ito ng paggunita sa ika-17 anibersaryo ng malagim na insidente ngayong araw.

Ayon sa abogado ng mga kaanak na si Atty. Gilbert Andres, nagpasya ang mga kaanak na muling magsumamo sa korte dahil labimpitong taon na silang naghihintay ng ganap na katarungan.

Marami na umano sa mga kaanak ng mga pinaslang ang pumanaw nang hindi nasisilayan ang dulo ng kaso, habang ang iba naman ay nakaratay na at may iniindang karamdaman.

Dahil dito, nakikiusap ang mga pamilya sa appellate court na agarang desisyunan ang lahat ng nakabinbing apela upang maibigay na ang sapat at ganap na hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.

Ikinatuwa naman ng grupo ang naging pahayag ni Chief Justice Rodil Zalameda na humihimok sa CA na resolbahin na ang mga nakabinbing apela.

Umaasa ang mga pamilya na ang panawagan mismo ng Punong Mahistrado ay magsisilbing hudyat upang tuluyan nang mailabas ang matagal nang hinihintay na desisyon.

Magugunitang nangyari ang Maguindanao Massacre noong Nobyembre 23, 2009 sa Sitio Masalay, Barangay Salman, bayan ng Ampatuan, Maguindanao kung saan 58 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, ang pinaslang.

Itinuring itong pinakamalalang karahasang may kaugnayan sa eleksyon sa kasaysayan ng Pilipinas at pinakamadugong pag-atake sa mga journalist ng bansa.

(JULIET PACOT)

38

Related posts

Leave a Comment