GOOD NEWS AT BAD NEWS SA TAAS-SAHOD

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

SA gitna ng kaguluhan sa usapin ng impeachment laban sa Bise Presidente, may good news sa mga obrero ang Kamara.

Heto nga at pasado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara de Representantes ang panukalang dagdag na P200 sa arawang sahod ng minimum wage worker sa pribadong sektor.

Ang Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) at maliliit na kumpanya ay maaaring humingi ng insentibo sa Department of Labor and Employment kung ipatutupad ang pagtaas.

Tama ba ang pagtataas sa sahod ng ordinaryong manggagawa? Oo naman, laging napag-iiwanan ang mga obrero na sagad na sa paghihirap sa trabaho pero kapos ang kita.

Malamang marami ang masaya, marami rin ang nakukulangan, at hindi maikakaila na may mga nag-aalala sa negatibong epekto ng pagtaas.

Hindi pa rin daw kasi sapat ang dagdag na P200 dahil kailangan ng may limang miyembro na pamilya ang P1,225 na sahod para matugunan ang gastusin at mahal na bilihin sa kasalukuyan.

Oo, panahon na para bigyan ng sapat na sahod ang mga manggagawa, ngunit kailan magiging sapat ang kinikita?

Nasa kamay ni Pangulong Marcos Jr. ang pagtatakda ng pagtaas ng minimum wage.

Kaya hinihikayat ng isang labor group si PBBM na lagdaan na ang panukala upang maging ganap nang batas.

Kung ibi-veto raw ng Pangulo ang panukala ay babalatan nito ang pagiging kontra-manggagawa ng pamahalaan.

Pero, nariyan ang alalahanin lalo ng mga walang regular na trabaho dahil pinangangambahan na ang pagtaas ng sahod ay magbubunga ng taas-presyo ng mga bilihin.

Oo nga naman. Apektado nito ang kikitain ng mga negosyo dahil karagdagang gastos ito sa kanilang operasyon.

Sa mga konsyumer din ipapasa ang dagdag-gastos ng mga negosyo.

Higit pa riyan ay nagbabala ang grupo ng mga employer laban sa wage hike. Maaari silang magtanggal ng mga empleyado para mabawasan ang gastos sa paggawa.

Hindi na bago ‘yan dahil tuwing pinag-uusapan ang taas-sahod ay iyan ang ibinibigay na katwiran ng mga employer. Sa mahabang panahon ay tila hawak sa leeg ang gobyerno pagdating sa pagdaragdag ng kita sa mga manggagawa.

Paano na ‘yan?

‘Yung pagtaas ng sahod ay magtataas din ng presyo ng mga bilihin at sibakan sa trabaho.

Dapat kasi, mas higit na tinututukan ang hakbang na maibaba ang presyo ng mga bilihin.

Hindi mawawala ang kampanyang patuloy na pagtaas ng sahod hangga’t hindi sapat ang kinikita. Sasabay rin ang taas-presyo ng mga bilihin, at madaragdagan ang bilang ng mga walang trabaho.

Sa sirkulong ‘yan iikot ang buhay ng mga ordinaryong manggagawa.

Kailan kaya maaasinta ng pamahalaan ang tamang solusyon sa kapakanan ng mga pamilyang Pilipino na ang epekto ay pangmatagalan, hindi sa isang iglap lang?

81

Related posts

Leave a Comment